Advertisers

Advertisers

P.5M REWARD AT 48 ORAS ULTIMATUM SA KILLERS NG BADIGARD NI ISKO

0 25

Advertisers

Nag-alok ng P500,000 pabuya si Manila Mayor Francisco ‘Isko’ Moreno Domagoso at nagbigay ng 48 oras na ultimatum sa isa sa mga salarin sa retiradong pulis na si George Capistrano upang sumuko sa mga awtoridad nitong Lunes, Marso 16.
Sa isang Facebook Live broadcast ng programang “Talk to the People” ng pamahalaang lungsod noong Marso 16, sinabi ni Moreno na nagsasagawa na ng follow-up operations ang Manila Police District upang matunton ang mga suspek na sangkot sa insidente.
“I am offering P500,000 for you if you surrender,” ani Domagoso, na direktang tumutukoy sa motorcycle driver na nakita sa video ng insidente. “Kapag sumuko ka, tutulungan ka rin naming mapasailalim sa Witness Protection Program para sa iyong proteksyon.”
Ayon sa alkalde, dating pulis ng Maynila si Capistrano at kanyang malapit na kaibigan, na pinaslang umano ng mga miyembro ng riding-in-tandem robbery-holdup group na pinaniniwalaang kumikilos sa iba’t-ibang bahagi ng Metro Manila.
Nagpaabot din si Domagoso ng pakikiramay sa pamilya ni Capistrano at nangakong hindi titigil ang pamahalaang lungsod at pulisya hangga’t hindi napapanagot ang mga salarin at nabibigyan ng hustisya ang biktima.
Direkta ring nanawagan ang alkalde sa pamilya ng salarin na kabilang ang asawa, mga magulang, at kamag-anak, na hikayatin itong sumuko sa loob ng 48 oras at tumulong sa mga awtoridad upang matukoy ang gunman sa krimen.
Babala ni Domagoso, kung hindi tutugon ang mga salarin sa alok na pagsuko, ipagpapatuloy ng mga awtoridad ang paghahanap at pag-aresto sa kanila gamit ang lahat ng legal na paraan upang makamit ang hustisya para kay Capistrano at sa iba pang posibleng biktima ng grupo.
“Binibigyan kitang pagkakataong sumuko within 48 hours. Pagkatapos ng 48 oras, wala na tayong magagawa kundi ang normal na trabaho ng pulis, hahanapin namin kayo at sisiguraduhin naming mabibigyan ng hustisya si George Capistrano,” dagdag ni Mayor Isko. (BP)