Advertisers

Advertisers

PATULOY NA MALASAKIT SA “KABARO”

0 8,450

Advertisers

GUSTO nang magsara ang “talukap” ng ating mga mata nang sagutin natin ang tawag sa telepono. At nawala ang ating antok (siyempre) nang makita na si Sen. Erwin ‘Winong’ Tulfo pala ang nasa kabilang linya.

Napatawag si “Idol” upang makibalita sa nangyari kay DZRH reporter Boy Gonzales at DZME reporter Felix Laban. Biglang naging “wanted” ang dalawa naming “kabaro” ni Sen. Erwin nang maglabas ng ‘warrant of arrest’ ang isang korte sa Maynila dahil umano sa paglabag nila sa ‘Data Privacy Act.’

‘Nag-surrender’ si kasamang Felix (mabuti hindi ginawang ‘arrested’ katulad ng ginawa sa akin ng MPD) habang inaresto si kasamang Boy habang nasa ‘coverage’ sa Department of Justice, mismo! Nakapag-bail naman sila at nakalaya nito lang Marso 12.

Ang kaso ay nag-ugat sa naging alitan nila sa isang konsehal ng Maynila na ibinalita ng dalawa na nakasuhan at naisyuhan din ng warrant of arrest dahil naman sa “pagmolestiya” (daw) sa isang menor-de-edad. “Resbak” yata ang tawag dito, mga kabayan, aguy!

Sadyang “dugong reporter” si Idol Erwin at naging presidente pa nga ng Manila Police District Press Corps.

Isa sa maganda niyang katangian na hindi nagbago kahit pa nga isa niyang sikat na personalidad at senador, ay hindi niya kinalimutan, tinalikuran at ikinahiya na dati lang siyang “ordinaryong reporter.”

At kahit pa nga maging presidente siya o bise-presidente sa 2028? Alam nating hindi siya magbabago.

“Kaibigan ko si Boy Gonzales kaya nag-aalala rin ako,” sabi pa nga ni Sen. Erwin.

Kung sa mga sumunod na araw, biglang pinarepaso ni Sen. Erwin ang Data Privacy Act dahil ginagamit upang busalan at takutin ang media ng mga pulitiko at iba pang nasa puwesto, hindi na tayo magtataka.

At sa totoo lang? Dapat talaga “igisa” paminsan-minsan itong National Privacy Commission!

Muli, salamat Sen. Erwin sa patuloy mong malasakit sa mga kabaro mo sa media.

Abangan!