Advertisers
SINABI ng Department of Economy, Planning and Development (DepDev) na kakailanganin ng gobyerno ng Pilipinas ang kabuuang P429 billion crisis fund sakaling magtagal pa hanggang katapusan ng taon ang tensiyon sa Gitnang Silangan.
Doble ito mula sa P238 billion na nauna nang sinabi ng Department of Budget and Management (DBM) na kailangang pondo para matugunan ang epekto ng Iran war sa ekonomiya ng bansa.
Ayon kay DepDev Secretary Arsenio Balisacan, kung magpapatuloy pa ang tensiyon sa rehiyon sa sunod na anim na buwan o mula Hulyo hanggang Disyembre, mas lalaki pa ang demand para sa resources at kakailanganin nilang humanap ng paraan kung paano ito matugunan.
Dito, tinukoy ng kalihim ang pagtaya ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food and Transport (Unlift) committee, kung saan P429 billion ang kailangan para pondohan ang nagpapatuloy na mga hakbang para sa apat na kritikal na sektor hanggang sa katapusan ng 2026, kabilang na sa agricultural sector, transport sector, energy sector at sa overseas Filipino workers (OFWs).