Advertisers

Advertisers

Pagbusisi sa ITR nina VP Sara at Mans Carpio kasado na sa Kamara

0 5

Advertisers

MATUTUNGHAYAN na sa susunod na pagdinig ng House Committee on Justice ang nilalaman ng income tax returns nina Vice President Sara Duterte at asawa nitong si Atty. Manases Carpio, matapos kumpirmahin ng komite na naisumite na ito ng Bureau of Internal Revenue.

Sinabi ni Justice Committee Chairperson Rep. Gerville Luistro, nawalan na ng saysay o moot ang petisyong inihain ni Carpio sa Quezon City Regional Trial Court noong Abril 13, na naglalayon sanang pigilan ang komite na makuha at isapubliko ang kanilang ITR.

Matatandaang inireklamo ni Carpio ang inilabas na subpoena ng komite laban kay BIR Commissioner Charlie Mendoza na nag-aatas ditong magsumite ng mga dokumento sa buwis na nauugnay sa mag-asawa at sa kanilang mga negosyo.



Iginiit nilang paglabag ito sa Data Privacy Act at exceedingly overstretched, lalo’t nagsimula lamang ang termino ni Duterte noong Hunyo 30, 2022.

Pormal na ipiprisinta ang nasabing ITR sa pagdinig ng komite sa Abril 22.



Inaasahan din ni Luistro na tatalakayin kasama ang BIR ang mga limitasyon pagdating sa confidentiality ng nasabing mga dokumento.

Samantala, nilinaw ng mambabatas na tanging reports lamang mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang ipinatawag ng komite para sa nakatakdang pagdinig sa Miyerkules hinggil sa alegasyon ng unexplained wealth laban sa Bise Presidente.



Saklaw ng hinihinging mga dokumento ang covered transactions o ang mga halagang aabot sa P500,000 pataas, pati na rin ang suspicious transactions na obligadong iulat ng mga bangko sa AMLC anuman ang halaga nito.