Advertisers

Advertisers

Cong. Nikki kontra zero tariff sa baboy at manok

0 7

Advertisers

Nanawagan si AGAP Partylist Rep. Nicanor ‘Nikki’ Briones sa administrasyon na pag-isipang mabuti ang planong pagpapatupad ng zero tariff sa mga imported na karneng baboy, manok, at mais, kasabay ng panawagan na mas bigyang prayoridad ang pagpapalakas sa lokal na sektor ng agrikultura sa gitna ng lumalalang pandaigdigang krisis sa enerhiya.
Ayon sa mambabatas, sa kasalukuyang sitwasyon kung saan tumataas ang presyo ng langis dahil sa patuloy na tensyon at epekto ng sigalot ng US at Iran, mas lalong nagiging mahalaga ang pagpapatatag ng lokal na produksyon ng pagkain upang matiyak ang sapat at tuloy-tuloy na supply sa bansa.
Giit ni Briones, hindi makatwiran ang pagbubukas lalo ng merkado sa mas murang importasyon sa pamamagitan ng zero tariff kung ang kapalit nito posibleng paghina ng kabuhayan ng mga lokal na magsasaka at magbababoy.
“Sa halip na lalo pang buksan ang pintuan sa importasyon, mas nararapat na palakasin natin ang ating sariling produksyon ng pagkain. May sapat naman tayong supply ng baboy sa bansa, kaya’t hindi nakikitang kailangan pang pababain ang taripa ng imported na produkto,” pahayag pa ni Cong. Nikki.
Binigyang-diin din ni Rep. Briones na direktang nakakaapekto ang pagtaas ng presyo ng langis sa gastos ng pag-angkat ng mga produktong agrikultural mula sa ibang bansa. Dahil dito, inaasahan umano ang mas mahal na imported na pagkain sa oras umasa ito sa malayong transportasyon at logistics.
Sa kanyang panukala, iminungkahi ng mambabatas ang tatlong pangunahing hakbang upang maprotektahan ang sektor ng agrikultura:
Una, ibalik at itaas ang dating taripa sa imported na baboy, manok, at mais upang magamit ang kita mula rito sa mga programang magpapalakas sa lokal na produksyon.
Ikalawa, limitahan ang dami ng imported na karne na papasok sa bansa upang mabigyan ng mas patas na pagkakataon ang mga lokal na prodyuser na makapagbenta at makabawi.
Ikatlo, dagdagan ang suporta ng pamahalaan sa sektor ng agrikultura, partikular sa mga pataba, feeds, imprastraktura, at iba pang pangangailangan upang matiyak ang tuloy-tuloy na produksyon sa kabila ng pagtaas ng presyo ng langis.
Ayon pa kay Briones, ang ganitong mga hakbang hindi lamang para sa kapakanan ng mga magsasaka at magbababoy, kundi para rin sa seguridad sa pagkain ng buong bansa.
“Sa panahon ng krisis, ang unang dapat protektahan ang ating sariling kakayahang mag-produce ng pagkain. Hindi tayo dapat umasa nang labis sa importasyon,” dagdag pa ni Cong. Nikki.
Sa huli, nanawagan si Cong. Briones ng pagkakaisa ng pamahalaan, sektor ng agrikultura, at mga mamamayan upang mapagtagumpayan ang mga hamon ng pandaigdigang krisis at mapanatili ang matatag na suplay ng pagkain sa bansa.