Advertisers

Advertisers

Subaybayan ngayon!: ‘TAGONG YAMAN’ NI VP SARA, LALANTAD SA SALN AT AMLC RECORDS

0 7

Advertisers

Sinabi ni House Committee on Public Accounts Chairperson Terry L. Ridon nitong Martes na mas magiging mabigat at makabuluhan ang susunod na pagdinig sa impeachment laban kay Bise Presidente Sara Z. Duterte ngayong Miyerkules, dahil pangunahing pagbabatayan na ng House Committee on Justice ang mga dokumentong pinansyal, tax records, at bank transactions upang tukuyin kung may probable cause sa mga alegasyon ng ill-gotten at hindi maipaliwanag na yaman.
“Mas mabigat ang susunod na pagdinig dahil wala nang pag-uusapan na star witness. Hindi na mga personalidad ang sentro, mga dokumento na mismo ang magsasalita,” ani Ridon.
Inaasahang dadalo sa pagdinig sa Abril 22 ang mga opisyal mula sa Office of the Ombudsman, Securities and Exchange Commission, Bureau of Internal Revenue, at Anti-Money Laundering Council upang magsumite ng mga dokumento tulad ng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), income tax returns, corporate records ng asawa ni VP Sara na si Atty. Manases Carpio, at ulat sa mga kahina-hinalang bank transactions na may kinalaman sa kanilang mga account.
Ayon kay Ridon, ang mga dokumentong ito ang magbibigay-daan sa mga mambabatas na suriin kung may malaking diperensya sa yaman ng bise presidente kumpara sa P88.5 milyong net worth na idineklara niya sa kanyang 2024 SALN.
“Kung may malaking pagkakaiba mula sa P88 milyon base sa ITR, bank records, at financial statements ng SEC, may problema na iyon. Kailangang magtugma ang idineklara niyang yaman sa SALN at sa records ng BIR at SEC,” dagdag ni Ridon.
Sinabi rin niya na kailangang tukuyin ng komite kung gaano kalaki ang dapat ituring na “material discrepancy.” Kung sapat bang batayan ang malaking agwat sa pagitan ng idineklara at aktwal na ari-arian para masabing may unexplained wealth.
“Kung makita ng komite na halos doble na ng nasa SALN ang tunay na yaman, malinaw na maaari itong maging sapat na batayan para sa probable cause,” paliwanag ni Ridon.
Nang tanungin kung sisilipin ang mga bank account at transaksyon na binanggit ni dating senador Antonio Trillanes IV, sinabi ni Ridon na kailangan munang patunayan kung talagang maiuugnay sa bise presidente ang mga account.
Na-subpoena si Trillanes para dumalo sa susunod na pagdinig matapos niyang igiit na may mahigit P2.4 bilyong transaksyon umano mula 2006 hanggang 2015 sa iba’t-ibang account ng pamilya Duterte, kabilang ang joint accounts kasama ang bise presidente.
Ayon pa sa kanya, mayroon siyang bank ledgers na nagpapakita umano ng pattern ng deposito na iniuugnay sa manager’s checks na may kaugnayan sa ilegal na droga, gamit ang mga account sa pangalan ni Sara Duterte noong vice mayor ito, pati na rin sa pangalan ng asawa at anak ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Kinahaharap ng bise presidente ang mga alegasyon na nagdeposito siya ng hindi bababa sa P111 milyon sa iba’t-ibang bangko sa Davao City at Metro Manila mula 2006 hanggang 2015, mga halagang sinasabing hindi tugma sa kanyang sahod bilang dating vice mayor at mayor.
Tinukoy rin ni Ridon ang naunang naiulat na umano’y P50 milyong discrepancy sa kanyang idineklarang yaman, na umano’y umakyat na sa P88 milyon noong 2024.