Advertisers
DAPAT sana ay sinunod ni dating Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang mga imbitasyon ng Senate Blue Ribbon Committee na dumalo sa mga pagdinig nito noong Nobyembre at Enero para pabulaanan ang mga alegasyong nag-uugnay sa kanya sa pagkalikot sa 2025 budget.
Ayon kay Senate President Pro Tempore at Blue Ribbon Chairman Panfilo “Ping” M. Lacson, pina-dala ng komite ang hindi bababa sa dalawang imbitasyon kay Romualdez upang tumugon sa mga paratang na nag-uugnay sa kanya sa kontrobersiya sa badyet na naiugnay naman sa mga maanomalyang flood control projects at iba pang iregularidad.
Dinaan ng komite ang mga imbitasyon sa tanggapan ni Speaker Faustino Dy III, alinsunod sa prinsipyo ng inter-parliamentary courtesy. Hindi dumalo si Romualdez sa mga pagdinig noong Nobyembre 14 at Enero 19.
Matatandaang nitong Martes, naglabas ng video statement si Romualdez na itinangging sangkot siya sa mga talakayan sa 2025 budget, na inilarawan bilang “mangled beyond recognition” at naglalaman ng ilang kahina-hinalang item na may bahid ng korap-syon.
Itinuro ni Romualdez ang mga desisyon sa budget kina Escudero at Co, at sinabing hindi siya bahagi ng bicameral conference committee o ng “small committee” na gumawa ng mga pagbabago sa General Appropriations Bill (GAB) matapos itong maaprubahan ng Senado at Kamara.
Si Lacson, na matagal nang tagapagbantay ng kaban ng bayan, ay paulit-ulit na nagsusulong ng mga reporma sa proseso ng budget, lalo na sa mas mataas na transparency sa antas ng bicameral conference. (Mylene Alfonso)