Advertisers
SINABI ni Justice Committee Chairperson Gerville “Jinky” Luistro ng Batangas na tila inaamin na ng kampo ni Vice President Sara Duterte na aabot sa Senado ang impeachment case laban sa kanya.
Ayon kay Luistro, sa mismong pahayag ng depensa na doon na lamang sila sasagot sa mga alegasyon sa Senate trial, ipinapakita nilang inaasahan nilang magpapasya ang House Committee on Justice na may “probable cause” para ituloy ang kaso—isang pananaw na sinusuportahan narin ng ilang miyembro ng komite bago pa ang huling pagdinig sa Abril 29.
“Para sa akin, base sa kanilang press conference, inaamin na nila na aabot ito sa paglilitis. Humihingi sila ng pagkakataon na busisiin at i-cross examine ang ebidensya dahil kulang at malabo pa raw,” pahayag ni Luistro sa panayam ng ‘Facts First’ with Christian Esguerra.
Dagdag pa niya, “Mukhang sumasang-ayon sila sa posisyon ng justice committee na kailangan talaga ang paglilitis. Pero mangyayari lang iyon matapos matukoy kung may probable cause.”
Binigyang-diin ni Luistro na mababa lamang ang pamantayan para sa “probable cause”—sapat lang na may batayan para ituloy sa paglilitis, hindi pa nangangahulugang may kasalanan na.
Kinuwestiyon din niya kung bakit nais pang “ubusin” ng kampo ni Duterte ang lahat ng remedyo, kabilang ang paghahain ng petisyon sa Korte Suprema, gayong ang tinitingnan pa lamang ng komite ay ang pagkakaroon ng probable cause—ang pinakamababang antas sa proseso ng impeachment.
“Probable cause lang ang threshold. Kaya hindi na kailangan pang ubusin ang lahat ng remedyo para matukoy ito,” ani Luistro.
Isyu sa confidential funds
Sa usapin ng maling paggamit ng confidential funds, sinabi ni Luistro na lampas na sa threshold ng probable cause ang ebidensyang hawak, kabilang ang mga notice of disallowance ng Commission on Audit (COA).
Kinumpirma ng COA na pinagtibay nito ang disallowance sa P73 milyon na pondo ng Office of the Vice President (OVP) noong 2022 dahil hindi napatunayan ang mga sinasabing confidential at intelligence activities, at kulang ang dokumentasyon.
Ibinunyag din na may karagdagang P375 milyon na disallowance para sa unang tatlong quarter ng 2023. Kapag naging pinal ito, maaaring obligahin ang bise presidente at tatlong opisyal na isauli ang kabuuang P448 milyon.
Ipinaliwanag ni Luistro na magkaiba ang proseso ng restitution at impeachment, bagamat sabay itong maaaring umusad.
“Magkaiba ang layunin. Ang COA ay para mabawi ang pondo ng bayan. Ang impeachment naman ay para alisin sa puwesto at ma-disqualify habambuhay ang opisyal,” aniya.
Alleged unexplained wealth
Sa isyu ng hindi maipaliwanag na yaman, tinukoy ni Luistro ang ulat ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) tungkol sa P6.7 bilyong kahina-hinalang transaksyon mula 2006 hanggang 2025 sa mga account ng bise presidente at kanyang asawa.
Ayon sa komite, walang bakas ang mga transaksyong ito sa Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Duterte.
“Mahalaga dito, ang P6.7 bilyon na nasa ulat ng AMLC ay hindi makikita sa SALN. Karamihan dito ay cash transactions, deposits, withdrawals o investments na dapat sana ay naideklara,” paliwanag ni Luistro.
Dagdag pa niya, kung hindi mapapatunayang lehitimo ang pinagmulan ng mga transaksyon, sapat na ito upang maghinala ng unexplained wealth.
Binanggit din niya na kahit igiit ng depensa na hindi eksaktong halaga ng pera ang ipinapakita ng AMLC report, malinaw pa rin ang malaking diperensya kumpara sa idineklarang ari-arian.
Usapin sa SALN at “Others”
Depensa ng kampo ni Duterte na nakapaloob ang cash at bank deposits sa kategoryang “Others” sa kanyang SALN.
Para kay Luistro, mas lalo lamang nitong pinatitibay ang pangangailangan ng paglilitis.
“Kung ilalagay sa ‘Others’ ang cash at deposits, kailangan na talagang busisiin at i-cross examine. Parang sinasabi nilang ‘mag-trial na tayo para maipaliwanag kung bakit zero ang deklarasyon sa cash at bank deposits,’” ani Luistro.
Susunod na hakbang
Target ng House Committee on Justice na tapusin ang pagdinig sa Abril 29, kungsaan inaasahang ilalahad ng National Bureau of Investigation (NBI) ang resulta ng imbestigasyon sa ‘death threats’ laban kina Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at Martin Romualdez.
Pagkatapos nito, boboto ang komite kung may sapat na “probable cause” upang irekomenda ang impeachment laban sa bise presidente.