Advertisers
NABIGO ang Pilipinas sa agarang pagpapauwi kay Zaldy Co na sinasabing nasa kustodiya ng Czech Republic.
Matatandaang tumulak si Justice Secretary Frederick Vida para kumpirmahin ang detalye ukol sa umano’y pag-aresto o pagkakakustodiya kay dating Rep. Zaldy Co sa Prague at ayusin ang pagbabalik Pilipinas ng nasabing dating mambabatas.
Ayon sa mga awtoridad, kabilang sa mga prosesong tinitingnan ng Philippine delegation upang maibalik si Co sa bansa ay ang deportation proceedings at mekanismo sa ilalim ng United Nations Convention Against Corruption (UNCAC).
Klinaro rin ng DOJ na hindi agad maaaring umusad ang kahilingan ng Pilipinas para sa Interpol red notice hangga’t hindi pa nakakapagpasya ang administrative court ng Czech Republic hinggil sa posibleng aplikasyon ni Co para sa political asylum, kung mayroon man.
Bumisita si Justice Secretary Frederick Vida sa Prague matapos atasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang beripikahin at kumpirmahin ang mga ulat na natanggap ng pamahalaan hinggil sa umano’y pagkakahuli ni Co, na una umanong walang maipakitang mga dokumento.
Si Co ay nahaharap sa mga kaso kaugnay ng umano’y maanomalyang flood control projects sa Oriental Mindoro. (Jocelyn Domenden)