Advertisers
SINIBAK sa puwesto at isinailalim sa restrictive custody ang isang police major na iniuugnay bilang protektor ng ilegal na online sabong sa Negros Island.
Ayon sa pahayag ng Philippine National Police (PNP) nitong Martes, patuloy ang im-bestigasyon ng mga awtoridad sa hinihinalang gambling network.
“The officer has since been relieved from his post and placed under restrictive custody as part of an expanding probe into the alleged gambling network,” ayon sa PNP.
Samantala, naunang ipinahayag nitong Lunes ni DILG Secretary Jonvic Remulla ang pagkakakilanlan ng nasibak na opisyal na si Major Edgar Tonico Jr., dating CIDG provincial officer sa Negros Island.
Una na ring iniulat na 30 indibidwal ang naaresto sa online sabong hub sa kamakailang raid ng PNP sa isang private property sa Talisay City, Negros Occidental.
Nakumpiska ng mga awtoridad ang mga gamit sa live streaming at komunikasyon, gayundin ang mga panabong na manok na abot sa 280 heads.
Sinasabing may kaugnayan sa serye ng pagnanakaw ng mga panabong sa lungsod ang illegal online sabong.
Samantala, iniutos ng PNP ang pinalawak na intelligence monitoring at imbestigasyon para matukoy ang mga pulis na nagbibigay ng proteksyon sa mga sugal at iba pang ilegal na aktibidad.
Sa kasalukuyan, inatasan na ng hepe ng pambansang pulisya ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na makipagtulungan sa Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) para paigtingin ang pangangalap ng intelligence at impormasyon laban sa mga pulis na lumalabag.
Tungkulin din aniya ng mga police commander na tiyakin ang maayos na superbisyon sa kanilang mga tauhan, kasabay ng babala ukol sa prinsipyo ng command responsibility kapag may mahuling sangkot sa ilegal na gawain.(Mark Obleada/Boy Celario)