Advertisers
Maraming dapat ayusin ang Pag-IBIG Fund pagdating sa serbisyo sa publiko, partikular na diyan sa Intramuros, Maynila.
Inireklamo ng isang kasamahan sa media na senior citizen na ngayon, ang pahirap na dinaraanan sa pagkuha ng Provident Claims sa nasabing tanggapan.
Nagtungo siya doon February 12, 2026 para kumuha ng retirement claims. Nagretiro na kasi siya sa media outfit na pinanggalingan niya at lumipat na sa ibang pahayagan bilang manunulat at columnist.
Matapos ma-comply lahat ng kailangan, binigyan siya ng “acknowledgement receipt”. Nakasaad doon na ang date ng release ng kanyang tseke ay “20 working days” at sinabihan ito ng isang ‘Mylene’ na intayin ang text mula sa Pag-IBIG sa loob ng tatlong araw. Walang natanggap na text ang retiree sa loob ng 31 working days at dahil sobra na din sa 20 days ay nagpunta siya ulit sa Pag-IBIG nitong Marso 27.
Doon, hinihingan siya nung ‘Mylene’ ng ‘acknowldgement receipt’ at dahil hindi ito dala ng retiree nang araw na iyon dahil nga akala niya ay release lang ng tseke ang mangyayari at di naman sinabi sa kanya na dapat niya ulit itong dalhin, nakiusap ito na baka pupuwedeng ibase sa records dahil makikita naman siguro doon na nagfa-followup lang siya at na-comply na lahat ng requirements.
Laking gulat niya nang sabihin nung ‘Mylene’ na wala siyang anumang record doon. Binigyan siya ulit ng lahat ng papeles na dapat i-fillout at listahan ng requirements na dapat i-produce. Ang ginawa ni retiree, dinala ang nasabing acknowledgement receipt kinabukasan at sinabing, ‘ayan, sabi ko sa ‘yo follow-up lang ako eh. Bakit wala kayong record?”
Ni hindi nag-sorry ‘yung Mylene o ipinaliwanag kung bakit sa computer nila, ayon sa kanya mismo, ay wala umanong record ang retiree. Dedmang ni-receive ni Mylene ang papeles, nilagyan ng petsang “3/27” o March 27 at muli, sinabi sa retiree na maghintay ng text sa loob ng tatlong araw at release ng tseke sa loob ng 20 araw. Paano pala kung nawala ‘yung nasabing papel? Ibig sabihin ‘back to zero’ ang retiree??Para ano na nagtitipa siya sa computer kung walang naiwang record doon?
Dahil wala na namang text na dumating, nagbalik ang retiree nitong May 6 o 27 working days na, mula March 27. Ibinigay nung relyebo ni Mylene ‘yung check number at sinabihang magtungo sa window ng ‘check release’ pero pagdating doon, tamad na tamad siyang hinarap ng isang babae na ang sabi ay wala pa ang tseke doon. Magkaiba sila ng deklarasyon nung babaeng nagbigay ng check number. Hinihimok din siya nung ikalawang babae na magbigay ng LandBank account para ideposito na lang doon.
Sinabi ng retiree na mas gusto niyang kunin na lang ang tseke dahil nga kung ganyang personal na siyang nagpupunta ay wala pang mangyari, ‘yun pa kayang iasa sa kanila ang pag-deposito?
Tinanong nung babae ang retiree kung nakatanggap siya ng text. Sinabi ni retiree na wala. Sabi nung babae, ibig sabihin wala pang tseke kaya walang text. Kinuwestiyon ng retiree kung bakit lagi sinasabi na may darating na text sa loob ng tatlong araw at sa loob ng 20 araw ang release ng tseke kung di naman pala totoo.
Ang sabi kasi sa retiree, sa tatlong beses na punta niya, “mag-intay ng text sa loob ng tatlong araw” at makukuha ang kanyang tseke sa loob ng “20 days”. Bale tatlong beses itong sinabi sa kanya—February. 12, March 27 at nito ngang May 6.
‘Yung tatlong araw ngayon ay higit tatlong buwan na. ‘Yun namang 20 days ay 120 days na.
Taga-Laguna pa ang nasabing retiree. Magkano ang gasolina pabalik-balik. Ni wala pang parking doon kaya kinailangan niyang magbayad ng driver para magpaikot-ikot lang ng kotse sa Intramuros habang pinapaikot-ikot din siya sa loob mismo ng Pag-IBIG office.
Media pa siya niyan ha. Paano ‘yung ibang retirees na jobless, walang sasakyan at nagco-commute lamang? Napaka-init pa naman. ‘Yung pagod, oras at perang ginugugol sa pagpapabalik-balik sa kanila ay malaking dusa. Tubuan sana ng konsensiya ang mga nasabing kawani doon.
Ang Pag-IBIG Provident Benefits Claim ay isang “benefit or entitlement” at hindi basta work “perk” lamang. Ito ay pagbabalik sa empleyadong retirado ng sariling ‘mandatory savings plus accumulated dividends (interest) kasama ang employer’s contribution.
Ito ay pera mismo ng retiree na kumakatawan sa kabuuang naipong contributions na naibigay niya at ng kanyang employer sa Pag-IBIG Fund, kaya dapat ay hindi pahirapan ang sinumang may ganitong claim.
Sa palagay ko, hindi ito alam ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr. at lalong hindi niya ito kukunsintihin.
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.