Advertisers
INARESTO ng National Bureau of Investigation – Organized and Transnational Crime Division (NBI-OTCD) ang limang indibidwal, kabilang ang kilalang notoryos na DDS vlogger, sa isang entrapment operation May 5, 2026 sa kasong Robbery (Extortion).
Ang kaso ay nag-ugat sa reklamo ni dating House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez laban kay Roberto Ma. Franco Cruz Mabanta, founder/chairman ng Peanut Gallery Media Network (PGMN), na nakipagsabwatan sa ilang indibidwal, kabilang ang isa sa mga anchor ng network na “CJ Hirro”.
Si Mabanta ay dating direktor ng ‘BBM’ noong magkasama pa sina President “Bongbong” Marcos at Vice President Sara Duterte-Carpio. Ngunit nang maghiwalay ang landas ng dalawa ay pumanig ito kay VP Sara at inaatake si PBBM.
Nabatid sa imbestigasyon na binantaan ni Mabanta ang nagreklamo sa pamamagitan ng isang tagapamagitan na ilalabas online ang umano’y pagkakasangkot ni Romualdez sa korapsyon sa House of Representatives.
Para hindi mailabas ang “expose”, humirit umano si Mabanta ng P300,000,000.00, na ibibigay ng apat na hulugan – tig-P75,000,000.00. Ang bahagi ng video material umano ay naipadala na para basehan ng banta.
Dahil sa reklamong ito ay nagsagawa ang NBI-OTCD operatives ng entrapment operation, matapos magkasundo sa delivery ng unang bigay na P75,000,000.00.
Bandang 5:30 ng hapon, nakipagkita si Mabanta sa undercover agents na umaktong kinatawan ng complainant sa The Manila Peninsula Hotel sa Makati City. Sa kanilang miting, binago ni Mabanta ang kanyang demand, sinabi sa agents na dalhin nalang ang pera sa Valle Verde Country Club sa Pasig City sa isang “Jimmy”, na kalaunan ay nakilalang si Jardine Christian Serrano.
Sa pag-deliver ng entrapment money, tinanggap nina Serrano at Franco Jose Gallardo ang cash at dinala sa function room sa loob ng club, kungsaan sina Mabanta at dalawa pang indibidwal— Ericson James D. Pacaba at John Alexander Vasquez Gomez — ay naghihintay.
Kasunod nito ay kaagad nagsagawa ng operasyon ang arresting team, resulta ng pagkakaaresto sa mga sumusunod:
1. Roberto Ma. Franco Cruz Mabanta
2. Ericson James D. Pacaba
3. John Alexander Vasquez Gomez
4. Jardine Christian Requio Serrano
5. Franco Jose Gallardo
Narekober sa subjects ang entrapment money at mobile phones na ginamit sa transaksyon.
Sina Mabanta ay nasa kostudya ngayon ng NBI-OTCD para sa booking, documentation, at inquest proceedings.