Advertisers

Advertisers

ESKAPO BATO, TAKBO!

0 693

Advertisers

TULUYAN ng naisagawa ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa ang kanyang “great escape” mula sa House of the Senate, sa tulong ng kanyang mga protektor at ng labag sa batas na “protective custody” ng senado na pinagtibay ng mga kapanalig nitong mga Duterte Die Hard Supporter (DDS) na mga mambabatas.

Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa at Sen. Alan Peter Cayetano

Kung makikipagkutsabahan din ang mga Honorable Justices ng Supreme Court (SC) upang maging disimulado ang pagkakatakas ng matikas na senatong este senador ay asahang magpapalabas ang Kataas-taasang Hukuman ng Temporary Restraining Order (TRO) nang sa gayon ay mailigtas sa sobrang pagbatikos ang senado bilang institusyon at protektahan si Bato na matapat na alagad ni ex- President Rody Duterte.

Batay sa ulat, lumilitaw na nakakaripas na naman si Bato mula sa House of the Senate na nasa GSIS Financial Center, J. Diokno Boulevard, Pasay City noong May 14, 2026, bandang 2:30 madaling araw. Namataan ang pugante kasama ang isang kapwa nito senatong este senador bandang alas 3:00 ng madaling araw sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 ( NAIA terminal 3 ).

Nakatakbo at natakasan ni Bato ang pag-aresto sa kanya ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) noong umaga ng May 11, 2026 habang papasok ito sa senado matapos ang mahigit sa anim na buwan na pag-absent sa trabaho at sumusweldo bilang senador ng bansa. Lumutang ito sa senado upang suportahan angpagpapatalsik kay Senate Speaker Vicente “Tito” Sotto III ng kapwa nito DDS na Senador Alan Peter Cayetano.

Sina Cayetano, Padilla, Marcoleta, Villanueva at Estrada ang maiingay na tagasuporta ni Bato sa senado nang kondenahin ng mga ito ang nabigong pag-aresto ng mga NBI agent sa kanilang kakosang senador.

Ngayong nakaalpas na sa kamay ng PNP, NBI at militar ang tila “may sa palos at track and field star” na si Bato, ay lalong malabo pa sa tinta ng pusit na madakip pa ito ngayong nasa kanyang “comfort zone” na ito. Nadagdagan na naman ang pugante sa Pinas.

Hindi na kailangan pa ang mga opinyon ng mga legal expert upang maunawaan na hindi naaayon sa batas ang paglalagay sa “protective custody” ni Bato ng senado. Walang legal na basehan sa ilalim ng umiiral na batas at sa ating Konstitusyon ang tinatawag ng mga senador na “protective custody” upang ikanlong si Bato sa mga aarestong law enforcement authorities.

Nalalagay na naman hindi lamang sa alanganin, kundi sa napakalaking kahihiyan ang Pilipinas sa mata ng ibang mga bansa sa buong daigdig, lalo na sa 125 mga kasaping estado ng International Criminal Court (ICC).

Kahit papaano ay kailangang maibsan ang panawagang hustisya ng mga mamamayan, lalo na ang mga pamilya ng mga biktima ng Extrajudicial Killing (EJK) ng “Duterte War on Drugs” kung makakasuhan sa hukuman at maipakukulong ang mga senador na nagpakana sa “protective custody” ng puganteng si Bato pati na ang hepe ng Senate Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA) na retired Maj. Gen. Mao Aplasca at iba pa?

***

Para sa komento: Cp.# 0966 406 6144