Advertisers
WALA kaming nakikitang hadlang sa paglilitis ni Misfit Sara na nakatakdang magsimula sa Lunes, ika-6 ng buwang ito. Noong Huwebes, dumalo kami sa isang misa sa Cathedral of Immaculate Conception sa Cubao kung saan binasbasan ng mga paring Catolico kasapi ng organisasyong Clergy for Good Governance ang anim sa 11-katao Prosecution Team at ilang private prosecutors.
May tiwala at sampalataya kami sa mga public prosecutor na pinangungunahan ni Batangas Kin. Jinky Luistro, hepe ng House Committee on Justice, at ilang private prosecutor tulad ni Lorna Kapunan. Wala kaming masasabi sa kanilang kakayahan at matatag na paninindigan na dapat magpaliwanag at managot si Misfit Sara sa Articles of Impeachment na iniharap ng Camara de Representante sa Senado bilang impeachment court.
Pawang nakasalang na ang magkabilang panig sa paglilitis na maaaring tumagal ng ilang taon. Maaaring matapos ito bago magtapos ang taon. Buo na ang pangkat ng mga public at private prosecutor. Buo na rin ang defense team ni Misfit Sara at kasama ang mga mamahaling manananggol sa kilala sa larangan ng court litigation.
Ang hindi namin pinagkakatiwalaan ay ang Senate impeachment court. Marami sa mga senador ang may sakdal sa hukuman. Hindi namin alam kung makakapagbigay sila ng malayang pasya dahil hindi biro ang mga sakdal nila.
Tatlo sa kanila ang pinaghihinalaang sangkot sa bilyong pisong flood control scandal – Tricky Tsis Escudero, Joel Villanueva, at Jinggoy Estrada na kasalukuyang nakakulong dahil naisampa na ang sakdal na plunder sa kanila. Kung umusad ang sakdal kay Tricky Tsis at Joel, hindi malayo na sila naman ang humimas ng rehas ng kulungan.
May bumabang warrant of arrest kay Bato dela Rosa at kasalukuyan siyang nagtatago upang hindi madala sa The Hague at harapin ang sakdal na crimes against humanity kaugnay sa madugo pero bigong war on drugs ni Gongdi. Hindi niya nais samahan si Gongdi sa bilibid ng ICC kahit sinabi niya madalas na handa siyang sumama kay Gongdi doon.
May nakaambang arrest warrant kay Bong Go, ang matapat na alalay ni Gongdi. Kung si Bato ang nagpatupad ng war on drugs ni Gongdi, si Bong Go ang naglatag ng pondo para sa mga pulis na sangkot sa ilegal na kampanya.
Hindi namin alam kung naisampa na ang sakdal na plunder laban kay Rodente Marcoleta. Ang alam namin ay lubhang takot na takot si Rodente na makulong. Ito ang dahilan kung bakit nagdaos ng rali ang ilang libong kasapi ng Iglesia Ni Cristo. Kahit pinilay nila ang malayang daloy ng trapiko sa EDSA, hindi maituturing epektibo ang kilos protesta. Nameste lang sila.
May nakaambang sakdal na obstruction of justice laban kay Camoteng Robin at Cawatano dahil sa kanilang papel sa pagtakas ni Bato. Hindi namin alam kung kailan kikilos ang sakdal laban sa kanila. Ngayon pa lang pilay na si Cawatano. Hindi bale si Camote, mangmang iyan at tanga.
Sa paksyon ni Cawatano sa Senado, tanging si Fake News Imee (o Babs) at Pia Cawatano ang walang asunto. Ngunit kalat ang utak ni Babs at sabog mag-isip. Walang maaasahan kay Pia dahil hindi siya sanay mag-isip. Walang sakdal si Loren Legarda, ngunit nahaharap ang anak na si Mark sa sakdal dahil pumalpak sa P34 bilyon na solar project. Lumalabas na gumawa lang ng malaking pera ang anak ni Loren at bilang kunsintidorang ina, nais niyang mapagtakpan ang sakdal sa anak at hindi makulong.
***
HANDANG-HANDA ang kampo ng mga tagausig sa paglilitis kay Misfit Sara, ani Luistro. “We are very much ready,” ani Luistro sa mga mamamahayag sa pagtatapos ng Mass for Truth, Justice, and Accountability na inorganisa ng Clergy for Good Governance sa Chapel of the Nativity of the Immaculate Conception Cathedral sa Cubao, Quezon City.
“As a matter of fact, 19th Congress pa tayo naghahanda. And I can honestly tell the Filipino people, the House prosecutors and the private prosecutors are all ready as we start this impeachment trial this coming July 6,” aniya. Sinabi ni Luistro na inaasahan nila ang Senate impeachment court na makinig sa mga opening statements at lutasin ang mga nakabinbing mosyon sa unang araw ng paglilitis.
“I hope you understand we cannot comment too much on the merits, and that is why ’yun lang muna ang masasabi natin,” niya. Natapos ng prosecution at defense panel ang pretrial miting kung saan kinilala at tinatakan documentary evidence, saksi, legal issues, stipulations at admissions bago ang issuance ng the pre-trial order.
Sinabi ni private prosecutor Lorna Kapunan na may inilista ang prosecution ng 57 saksi kung ihahambing sa 20 saksi ng defense. Iniiwasan rin ang paglantad ng mga hindi kinilalang saksi na magbibigay ng surprise testimony. Kinumpirma ni Kapunan na nagbigay ng ng comment ang prosecution hinggil sa pretrial order ngunit hindi niya ipinaliwanag.
“We filed our comment yesterday (Wednesday). I cannot disclose the gist of our comments now. Hintayin natin ang impeachment court na mag-order o mag-comment sa comment namin,” aniya. “We are very happy with the pre-trial order,” aniya.
***
NATAPOS na ang kilos protesta ng InC bilang suporta kay Rodente. Hindi namin alam kung may maganda na ibinunga ang kanilang rali. Ang alam namin ay nameste lang sila ng kapuwa nila at matinding galit ang nadarama ng mga naapektuhang sambayanan.