Advertisers
Mariing itinanggi ni Manila City Administrator Atty. Eduardo “Wardee” P. Quintos XIV nitong Martes, Mayo 19, ang anumang kaugnayan ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa isang Chinese national na inaresto ng Bureau of Immigration dahil umano sa paggamit ng pekeng dokumento ng Pilipinas.
Ayon kay Quintos, si dating City Administrator Bernardito Ang, na naging pangunahing opisyal sa ilalim ng administrasyon ni dating Mayor Honey Lacuna, ang dapat tanungin kaugnay ng naturang mga dokumento.
Nilinaw ng city administrator na nais nilang ihiwalay ang kasalukuyang administrasyon ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso kay Peter B. Zhuang, na inaresto noong Marso 30, 2026 dahil sa umano’y maling pagpapakilala sa sarili at paggamit ng pekeng Philippine documents.
Binigyang-diin ni Quintos na “walang anumang koneksyon, kaugnayan, trabaho, partisipasyon, o awtorisasyon” si Zhuang mula sa kasalukuyang pamahalaang lungsod ng Maynila.
Dagdag pa niya, anumang ID, sertipikasyon, o dokumentong umano’y inilabas pabor kay Zhuang, “wala sa awtoridad, partisipasyon, at opisyal na kaalaman ng kasalukuyang administrasyon.”
Sinabi rin ni Quintos na hindi kukunsintihin ng pamahalaang lungsod ang “anumang uri ng maling representasyon, ilegal na paggamit sa pangalan o tanggapan ng mga opisyal ng lungsod,” gayundin ang pagsasamantala ng mga dayuhan sa pagkakakilanlan at institusyon ng lokal na pamahalaan.
Ayon pa kay Quintos, nananatiling nakatuon ang administrasyon ni Domagoso sa pangangalaga ng pambansang seguridad at pagsunod sa Konstitusyon.
Inaresto ng Bureau of Immigration si Zhuang noong Marso 30 dahil sa umano’y maling representasyon at paggamit ng pekeng dokumento ng Pilipinas.(BP)