Advertisers

Advertisers

Nepomuceno Naglinis sa BOC: Rehistro ng Brokers May Taning na!

0 3

Advertisers

Mas pinaigting ngayon ng Bureau of Customs ang kampanya nito para sa mas malinis, mas maayos at mas episyenteng proseso sa kalakalan matapos ipatupad ang tatlong taong validity period sa rehistro ng mga customs broker sa ilalim ng Client Profile Registration System (CPRS).

Sa pamumuno ni Commissioner Ariel F. Nepomuceno, layunin ng bagong polisiya na matiyak na tanging mga lehitimo, aktibo at sumusunod sa regulasyon na customs brokers lamang ang maaaring makipagtransaksyon sa ahensya.

Sa inilabas na memorandum noong Mayo 13, 2026, itinakda na magiging balido lamang sa loob ng tatlong taon ang Certificate of Registration ng individual customs brokers at General Professional Partnerships (GPPs), maliban kung ito ay masuspinde o mabawi dahil sa paglabag.

Malaking hakbang ito ng BOC upang maiwasan ang paggamit ng mga inactive o kuwestyunableng broker profiles na maaaring pagmulan ng anomalya at pagkaantala sa customs transactions. Sa pamamagitan ng mas mahigpit na monitoring system, mas mapapalakas din ang accountability sa hanay ng mga practitioners.

Inatasan naman ang Management Information Systems and Technology Group (MISTG) na i-upgrade ang CPRS at iba pang electronic customs systems upang awtomatikong ma-validate ang status ng registration ng mga brokers. Tanging mga may valid at active registration lamang ang pahihintulutang makapag-file ng goods declarations.

Kasabay nito, mahigpit ding pinatututukan sa Accounts Management Office (AMO) ang pagproseso, monitoring at paglilinis ng records upang masigurong naaayon ang lahat sa Customs Administrative Order No. 05-2019.

Makikita rito ang seryosong pagtutok ng BOC sa digitalization at systems integration upang mapabilis ang transaksyon habang pinananatili ang integridad ng proseso sa ahensya.

Ayon kay Nepomuceno, mahalagang mapanatiling updated at maayos ang records ng customs brokers upang masiguro ang transparency at pagiging lehitimo ng mga transaksyon sa Bureau.

Dagdag pa niya, makatutulong ang repormang ito upang maging mas episyente, predictable at mapagkakatiwalaan ang kalakalan para sa stakeholders at mga negosyanteng umaasa sa mabilis na customs processing.

Bahagi rin ito ng mas malawak na Integrity, Accountability, and Modernization (IAM) movement ng BOC na naglalayong linisin, ayusin at gawing makabago ang sistema ng Bureau of Customs—isang hakbang na inaasahang magbibigay ng mas matatag na pundasyon para sa patas at maayos na kalakalan sa bansa.
***
Sa gitna ng matagal nang batikos sa mabagal na proseso at reklamong bumabalot sa ilang ahensya ng gobyerno, tila unti-unti nang binabago ng Bureau of Customs (BOC) ang imahe nito.

Nagpulong kamakailan ang BOC, sa pamamagitan ng Planning and Policy Research Division (PPRD) at Committee on Anti-Red Tape (CART), kasama ang Anti-Red Tape Authority (ARTA) upang plantsahin ang mas mabilis at mas maayos na pagresolba sa mga hinaing ng kliyente at publiko.

Sentro ng pag-uusap ang pagpapalakas ng koordinasyon sa pagitan ng dalawang ahensya alinsunod sa Republic Act No. 11032 o Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act. Kabilang sa tinalakay ang tamang proseso sa paghawak ng mga reklamo, kinakailangang dokumento, at maging ang mga kasong hindi saklaw ng naturang batas tulad ng mga may quasi-judicial functions.

Pinag-usapan din ang mas maayos na sistema sa paghawak ng magkakaibang Case Tracking Numbers (CTNs), pagpapadala ng Notices of Hearing, iskedyul ng mga opisyal na dadalo sa mga pagdinig, at wastong paggamit ng Official CART Directory upang matiyak ang mabilis at tamang pagpapadala ng komunikasyon at abiso.

Pero higit sa teknikal na usapan, malinaw ang mas malaking layunin — ang maibalik ang tiwala ng publiko sa Bureau of Customs.

Sa ilalim ng direktiba ni Commissioner Nepomuceno, pinaigting umano ang kampanya para sa mas maayos na frontline services at mas mabilis na pakikipag-ugnayan sa mga kliyente. Dahil dito, isa sa ipinagmamalaki ngayon ng ahensya ang pagkakatanggal nito sa talaan ng Top 10 Most Complained-Of Government Agencies na mino-monitor ng ARTA.

Bahagi rin ito ng mas malawak na Integrity, Accountability, and Modernization (IAM) Program ng BOC na umaayon sa panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na gawing mas transparent, accountable at episyente ang serbisyo publiko.

Para sa marami, simpleng meeting lamang ito sa pagitan ng dalawang ahensya. Ngunit sa mga negosyante, importer, broker, at ordinaryong mamamayang direktang naaapektuhan ng serbisyo ng Aduana, malaking bagay ang bawat hakbang tungo sa mas mabilis, malinaw, at maayos na proseso sa gobyerno.

At kung magtutuloy-tuloy ang ganitong reporma, posibleng hindi lang reklamo ang mabawasan — kundi pati ang matagal nang negatibong pananaw ng publiko sa Bureau of Customs.
***
Habang patuloy na lumalawak ang pandaigdigang kalakalan at tumitindi ang banta ng smuggling at iligal na produkto, ipinakita ng Bureau of Customs (BOC) na hindi lamang mabilis na pagproseso ng kalakal ang kanilang prayoridad kundi maging ang mahigpit na pagbabantay sa seguridad ng ekonomiya ng bansa.

Sa ginanap na ASEAN-EU Sustainability Summit 2026 noong Mayo 7, ipinagmalaki ng BOC at Department of Finance (DOF) ang mga repormang isinusulong ng pamahalaan upang palakasin ang ligtas, moderno, at sustenableng kalakalan sa rehiyon. Dinaluhan ang nasabing pandaigdigang pagtitipon ng mahigit 200 lider at kinatawan mula sa iba’t ibang bansa upang talakayin ang economic resilience, green transition, at sustainable development sa Southeast Asia.

Sa panel discussion, binigyang-diin ni Deputy Commissioner Agaton O. Uvero ng Assessment and Operations Coordinating Group ang mahalagang papel ng BOC sa pagpapanatili ng balanse sa pagitan ng trade facilitation at border protection. Aniya, hindi sapat na pabilisin lamang ang galaw ng negosyo kung hindi rin mapipigilan ang pagpasok ng iligal na kalakal na sumisira sa ekonomiya at nagpapahirap sa mga lehitimong negosyante.

Ayon kay Uvero, kailangang maging mas mahal at mas mahirap ang pagpasok sa iligal na kalakalan habang mas pinapadali naman ang proseso para sa mga sumusunod sa batas. Sa ganitong paraan, napoprotektahan ang mga mamimili, napapalakas ang patas na kompetisyon sa merkado, at nabibigyan ng suporta ang mga lehitimong industriya.

Isa sa mga pangunahing hakbang na itinampok ng BOC ay ang pagpapalawak ng Super Green Lane Program kung saan tinatayang nasa 300 trusted companies na ang pinapayagang magsagawa ng paperless transactions nang walang face-to-face intervention. Layunin nitong bawasan ang red tape at mapabilis ang pagproseso ng mga dokumento sa adwana.

Kasabay nito, inanunsyo rin ng ahensya ang planong ganap na modernisasyon ng Electronic-to-Mobile o E2M system sa susunod na taon. Bahagi ito ng mas agresibong digital transformation program ng BOC upang gawing mas episyente, transparent, at technology-driven ang operasyon ng ahensya.

Sa ilalim ng pamumuno ni Commissioner Nepomuceno, mas pinaigting ng Bureau ang mga repormang naglalayong bawasan ang human intervention sa proseso, palakasin ang pananagutan ng mga kawani, at isulong ang paggamit ng data-driven systems sa customs operations.

Sa kabuuan, malinaw na ipinapakita ng BOC na ang laban kontra smuggling at korapsyon ay hindi lamang nakasalalay sa paghihigpit sa border control kundi pati na rin sa modernisasyon ng sistema. Sa pamamagitan ng digitalization at mas matatag na supply chain security, target ng Bureau na gawing mas mabilis, mas malinis, at mas globally competitive ang kalakalan ng Pilipinas.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.