Advertisers

Advertisers

PBBM, PATULOY NA KUMIKILOS PARA SA MURANG PAGKAIN NG MGA PILIPINO

0 2

Advertisers

Sa panahon ngayon na halos araw-araw ay tumataas ang presyo ng mga bilihin, isa sa pinakamabigat na epekto nito ay direktang nararamdaman sa hapag-kainan ng bawat pamilyang Pilipino.

Ang dating simpleng ulam na pork chop, adobo, o giniling ay unti-unti nang nagiging “pang-okasyon” para sa ilan dahil sa patuloy na pagmahal ng karne ng baboy.

Kaya naman mahalaga ang naging hakbang ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa paglalabas ng Executive Order No. 116 upang madagdagan ang suplay ng baboy sa bansa at mapanatiling abot-kaya ang presyo nito.

Sa ilalim ng EO 116, tinaasan ng pamahalaan ang minimum access volume o MAV para sa pork imports mula 54,210 metric tons hanggang 204,210 metric tons ngayong 2026.

Sa simpleng paliwanag, mas maraming aangkatin na karne ng baboy upang matugunan ang kakulangan sa suplay at maiwasan ang sobrang pagtaas ng presyo sa merkado.

Hindi ito basta simpleng desisyon lamang sa importasyon kundi bahagi ng mas malawak na plano ng gobyerno upang protektahan ang mga mamimili laban sa epekto ng krisis sa ekonomiya at inflation.

Marami kasi ang naaapektuhan kapag nagmahal ang karne ng baboy.

Hindi lamang mga mamimili kundi maging maliliit na negosyante, karinderya, at mga pabrika ng processed meat products tulad ng hotdog at tocino. Kapag tumaas ang presyo ng pangunahing sangkap, napipilitan ding magmahal ang iba pang produkto.

Kaya para sa ordinaryong manggagawa at pamilyang Pilipino, mahalagang mapanatiling sapat ang suplay upang hindi tuluyang sumirit ang presyo ng pagkain.

Kapansin-pansin din na binigyang prayoridad sa kautusan ang Food Terminal Inc. at KADIWA ng Pangulo Program. Malaking bagay ito lalo na sa mga komunidad na umaasa sa mas murang produkto mula sa KADIWA centers. Sa maraming lugar, ito ang nagiging takbuhan ng mga mamimili upang makabili ng mas abot-kayang pagkain sa gitna ng mataas na presyo sa mga palengke.

Ngunit kasabay ng importasyon ay mahalaga ring hindi mapabayaan ang lokal na industriya ng paghahayupan. Dapat tiyakin ng pamahalaan na habang pinapababa ang presyo ng baboy ay natutulungan din ang mga lokal na magbababoy na makabangon mula sa epekto ng African Swine Fever at iba pang hamon sa industriya.

Ang pangmatagalang solusyon ay hindi lamang pag-aangkat kundi pagpapalakas din ng lokal na produksyon upang maging sapat ang suplay mula mismo sa sariling bansa.

Sabi nga, ang tunay na sukatan ng tagumpay ng anumang polisiya ay kung paano nito napapagaan ang buhay ng karaniwang Pilipino.

At kung magiging mas mura at mas madaling mabili ang pagkain sa hapag ng bawat pamilya, malaking hakbang ito tungo sa mas maayos at mas matatag na kabuhayan para sa lahat.

***

Catch Gilbert Perdez on “IZ Balita Nationwide” over DWIZ 882 AM and ALIW Channel 23 every Saturday from 6:00 AM to 7:00 AM. Tune in via ALIW Channel 23, DWIZ AM Radio, the DWIZ 882 Facebook page, or DWIZ On-Demand on YouTube. You can contact him via email at gil.playwright@gmail.com or at 0991-354-3676.