Advertisers
Sa kaalam ng publiko, tanging nakikitang sandata ng mga Senador ay talino at makabuluhang pangangatuwiran upang pumasa ang ano man ipinapanukala nilang batas.
Pero sa nangyaring kaganapan nitong nagdaang linggo, tila’y nakalimot ang isang tropa ng mga Senador (minority group) nang mag-walkout ang grupo kaugnay sa panukalang online/electronic vote ng majority block.
Ang kaganapan tuloy ay naging usapan sa barberya – tila’y naging bahagi ng “teleserye” na sinusubaybayan sa telebisyon. Nag-umpisa ang mala-teleserye simula nang mapalitan ang liderato ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso.
Tulad nang nabanggit, sa Senado ang talino at katuwiran ang dapat na sandata dito pero tila nakalimutan ng ilang miyembro ng Minority kung paano makipag-argumento. Hayun, mas pinili nilang mag-walkout kaysa tapatan ng matibay na basehan ang diskusyon patungkol sa usapin ng online at electronic voting.
Sa naging galawan ng minority, para bang ipinadadama sa publiko na “biktima” ang kanilang grupo sa panukala. Paano ba naman kasi, kung umasta sila ay para bang hindi sila pamilyar o ngayon lang sila nakarinig ng konsepto ng remote participation, pero ang totoo niyan ay sila naman mismo ang unang nag-imbento at nagpumilit niyan noon.
Matatandaan, noong Hulyo 2019, inihain nina dating Senador Ping Lacson at dating Senate President Franklin Drilon ang Proposed Senate Resolution No. 51. Para saan at para kanino ang resolusyon? Ito ay para lang naman kay dating Senadora Leila de Lima na noo’y nakakulong.
Inihain ang resolusyon para makadalo si De Lima sa plenary sessions kahit man lang sa pamamagitan ng teleconferencing. Heto ang matalinong katuwiran nila noon – kapag daw wala ang isang senador, ay ninanakawan ang milyong Pilipino ng representasyon, at nababawasan ang “collective wisdom” ng Senado.
Hindi makuntento, sinundan pa ito noong Pebrero 2021, sa ilalim ng PSR No. 658, muling ibinida nina Drilon, Senadora Risa Hontiveros, Kiko Pangilinan, at Ralph Recto ang online platforms.
Katunayan ay mas pinalawak pa nga ito – hindi lang plenary, kung hindi maging sa committee hearings dapat may remote participation daw.
Kung baga, noong ang kakampi nila ang makikinabang, napakabango ng teknolohiya, pero ngayong naiba ang ihip ng hangin o politika, biglang naging “banta sa integridad ng Senado.”
Ano ang tawag doon? Matinding political convenience. Isang malinaw na ebidensya ng double standard na nakakasira ng kredibilidad. Batid naman natin na ang tunay na prinsipyo, hindi nagpapalit-palit ng kulay depende sa kung sino ang nakaupo o sino ang pinoprotektahan.
Ang nakatatawa rito, ay mistula silang mga estudyanteng nagtampururot – nilayasan ang klase nang hindi nila trip ang leksyon ng guro.
Hindi naman lingid sa kaalaman ng mga Senador na ang Senado ay hindi isang silid-aralan na pwedeng layasan kapag hindi nagustuhan ang takbo ng leksyon gaya ng mga estudyanteng tampururot. Hindi rin ito entablado para sa mga dramang pang-headline. Ang trabaho ng senador ay upuan at pagdebatihan ang isyu, hindi ang “mag-amok” ng political spectacle kapag dehado sa argumento.
Sa panahon ngayon, hindi na bago ang hybrid setup. Noong pandemya, pormal itong isinabatas sa ilalim ng Senate Resolution No. 43 (na nag-amyenda sa Rules 22 at 41). Ibig sabihin, hindi ito imbento lang ngayon at sa halip ay institusyunal itong inaprubahan.