Advertisers
Naging matagumpay ang isinagawang Medical at Dental Mission ng Cavite Economic Zone (CEZ) bilang bahagi ng pagdiriwang ng kanilang ika-46 anibersaryo, na naghatid ng libreng serbisyong pangkalusugan sa daan-daang residente at manggagawa mula sa mga kalapit na komunidad.
Sa nasabing outreach program, nakinabang ang mga dumalo sa iba’t-ibang libreng serbisyo tulad ng medical consultation, dental check-up, blood pressure monitoring, blood sugar testing, bone scanning, nerve testing, pamamahagi ng mga gamot, at iba pang health services na naglalayong makatulong sa pangangalaga ng kalusugan ng mga mamamayan. Malaki ang naging tugon ng publiko sa programa dahil nagkaroon sila ng pagkakataong makatanggap ng serbisyong medikal at dental nang walang anumang bayad.
Naging posible ang matagumpay na pagsasagawa ng medical at dental mission sa tulong ng iba’t-ibang partner agencies, volunteer doctors, dentists, nurses, healthcare workers, sponsors, at mga empleyado ng Cavite Economic Zone na nagkaisa upang maihatid ang serbisyong may malasakit sa komunidad. Kabilang sa mga sumuporta sa programa ang Unified Ecozone of the Philippines o mas kilala bilang “Batang Ecozone,” sa pangunguna ng kanilang pangulo na si Engr. Jerenato “Jerry” Alfante, na nagbigay ng mahalagang suporta upang higit pang mapalawak ang serbisyong naihatid sa mga benepisyaryo.
Nagpahayag naman ng taos-pusong pasasalamat si Atty. Vincent Sy, Administrator ng Cavite Economic Zone, sa lahat ng mga indibidwal, organisasyon, sponsors, volunteers, at partner agencies na nagbigay ng suporta upang maging matagumpay ang outreach program.
Ayon kay Sy, malaking bahagi ng tagumpay ng programa ang dedikasyon at malasakit ng bawat isa na naglaan ng kanilang oras, kakayahan, at resources upang makapagbigay ng tulong sa mga nangangailangan.
“Lubos po kaming nagpapasalamat sa lahat ng tumulong at nakiisa upang maisakatuparan ang programang ito. Ang inyong suporta at pakikiisa ang naging susi upang maihatid natin ang mga serbisyong pangkalusugan sa ating mga kababayan bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-46 anibersaryo ng Cavite Economic Zone,” ani Sy.
Partikular ding kinilala ni Sy ang suporta ng Unified Ecozone of the Philippines sa pangunguna ni Engr. Alfante, gayundin ang lahat ng partner organizations at volunteers na naging katuwang ng CEZ sa pagsasakatuparan ng programang ito.
Aniya, nagpapakita ang sama-samang pagkilos ng iba’t ibang sektor ng tunay na diwa ng bayanihan at malasakit sa komunidad.
Sa pagtatapos ng aktibidad, marami sa mga benepisyaryo ang nagpahayag ng kanilang pasasalamat sa libreng serbisyong kanilang natanggap.
Naging makabuluhang bahagi ng selebrasyon ang medical at dental mission na sumasalamin sa patuloy na adhikain ng Cavite Economic Zone (CEZ) na maghatid ng serbisyo, malasakit, at pag-asa sa komunidad habang ipinagdiriwang ang 46 taon ng paglilingkod at pag-unlad.
Dagdag pa ni Sy, na ang anibersaryo ng CEZ hindi lamang paggunita sa mga naging tagumpay ng institusyon kundi pagkakataon din upang maibalik sa komunidad ang biyayang natatanggap nito sa pamamagitan ng mga programang may direktang pakinabang sa mamamayan.