Advertisers

Advertisers

‘PAG-AKSYON NG SENADO SA IMPEACHMENT AT FLOOD CONTROL ESTRATEHIKONG HAKBANG’

0 3

Advertisers

ISANG mabilis at estratehikong hakbang ang ipinamamalas ng bagong pamumuno ng mayorya sa Senado upang patunayang hindi sila naparalisa ng mga kritisismo at politikal na ingay ng mga kritiko.

Ito ang naging pag-aanalisa at obserba ng mga political analyst ukol sa kasalukuyang direksyon ng mataas na kapulungan, sa gitna ng mga espekulasyon at akusasyon ng pagkakaroon ng mga “hidden agenda”.

Ayon sa mga analyst, ang agarang pag-aksyon ng bagong liderato sa dalawa sa pinakamalaking isyu ng bansa ngayon, ang impeachment at ang imbestigasyon sa flood control controversy, ay isang malinaw na mensahe na nais nitong unahin ang interes ng publiko kaysa sa mga internal na girian.

Ipinunto ng mga political analyst na walang naging pagkaantala o pag-iwas ang bagong pamumuno nang matanggap ng Senado ang mga artikulo ng impeachment mula sa Kamara. Sa unang araw pa lamang, nakitang agad na naglatag ng sistema ang kapulungan upang gampanan ang tungkulin nito ayon sa Saligang Batas.

“Anuman ang maging opinyon ng publiko, ipinapakita ng Senado na sineseryoso nila ang mandato ng Konstitusyon: ang tanggapin ang kaso, mag-organisa, at suriin ang mga ebidensya nang walang kinikilingan,” ayon sa obserbasyon ng mga eksperto.

Binigyang-diin din nila na naging masalimuot ang tiyempo ng paglipat ng pamumuno dahil pumasok ang impeachment sa panahong may internal tension sa kapulungan, gaya ng mga banta ng kudeta sa liderato at imbestigasyon sa ilang miyembro. Ayon sa mga analyst, ang pagpili ng mayorya na magtrabaho sa halip na magpatangay sa gulo ng politika ay isang paraan upang mapanatili ang katatagan ng institusyon.

Bukod sa impeachment, nakikita rin ng mga analyst na isang kalkulado at direktang tugon ang ginawa ng bagong liderato sa nakabinbing kontrobersiya sa bilyong-pisong flood control funds.

Matatandaang sa ilalim ng nakaraang Senate Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni dating Sen. Panfilo Lacson, hindi naging pinal ang ulat dahil sa kawalan ng sapat na boto at pirma ng mga senador. Upang tapusin ang pagkakaroon ng deadlock, binuo ng bagong mayorya ang isang dedikadong flood control subcommittee sa ilalim ni Sen. Rodante Marcoleta.

Ayon sa mga political analyst, ang hakbang na ito ay nagpapakita ng pagnanais ng bagong pamumuno na tuluyang isapubliko ang katotohanan at maghatid ng konkretong solusyon sa imprastraktura, sa halip na daldal at mababaw na pamumulitika lamang.

Sa pangkalahatang pagsusuri ng mga eksperto, nararapat lamang na obserbahan muna ang mga aktwal na nagawa at kasalukuyang tinatrabaho ng Senate leadership bago ito husgahan.

Giit ng mga analyst, nasa gitna ng mga makasaysayang pagsubok ang bansa, at ang kailangan ngayon ay katatagan at hustisya, hindi dagdag na kaguluhan. Ang panawagan ngayon ay hayaang magtrabaho ang kapulungan nang malaya sa politikal na panggigipit, dahil ang kasalukuyang Senado ay nagpapakitang titindig para sa katotohanan at para sa interes ng bawat Pilipino.