Advertisers
Nanawagan si Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso sa mga lider ng pambansang pamahalaan na isantabi ang kanilang mga hindi pagkakaunawaan at maghanap ng pagkakaisa alang-alang sa kapakanan ng mamamayang Pilipino.
Sa kanyang talumpati sa isinagawang flag-raising ceremony sa Manila City Hall nitong Lunes, Hunyo 8, sinabi ni Domagoso na ang interes ng taumbayan, at hindi ng mga partidong pulitikal, ang dapat manaig sa anumang resolusyon ng mga namumuno sa bansa.
Iminungkahi ng alkalde na sana’y magkaroon ng pagkakataon ang mga lider ng bansa na mag-usap nang maayos upang mahanap ang kanilang pagkakasunduan.
“Kung saan sila puwedeng magkitang intersection. Hindi puwedeng dalawang kalye na magkatapat at parehong umaandar. Walang patutunguhan ang ating bansa,” ani Domagoso.
Iniuugnay ng alkalde ang kanyang pahayag sa nalalapit na pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan. Aniya, ang kalayaang ipinaglaban ng mga bayani tulad ni Andres Bonifacio ay may kaakibat na pananagutan na tila nakalilimutan ng ilang lider dahil sa umiiral na bangayang pulitikal.
Binigyang-diin niya na ang tunay na “common ground” ng mga pinuno ay ang sambayanang Pilipino. Umaasa rin siyang bibigyan ng karunungan ang mga nasa pambansang pamahalaan upang unahin ang kanilang tungkulin sa mamamayan kaysa sa kanilang obligasyon sa mga partidong kanilang kinabibilangan.
Ayon kay Domagoso, may direktang epekto sa ordinaryong mamamayan ang umiiral na hidwaan sa pambansang antas. Dagdag pa niya, kabilang ang Maynila sa mga lugar na maaaring higit na maapektuhan kung mabibigo ang mga institusyon ng gobyerno na gampanan ang kanilang mga responsibilidad.
“I hope, because we Manileños will suffer if institutions fail to deliver their obligations and responsibility,” ani ng alkalde.
Ginamit din niya ang halimbawa ng isang mag-asawa upang ipaliwanag na bagama’t may hindi pagkakaunawaan at pagkukulang sa isa’t isa, nananatili pa rin ang mga bagay na nagbubuklod sa kanila. Aniya, ganoon din dapat ang pananaw ng mga lider na sa huli ay iisang mamamayan ang kanilang pinaglilingkuran.
Samantala, hinikayat ni Domagoso ang mga empleyado ng pamahalaang lungsod na gawing makabuluhan ang paggunita sa Araw ng Kalayaan sa pamamagitan ng mahusay, masinop at epektibong paglilingkod sa publiko.
“Maglingkod tayo nang mainam, masinop at epektibo. Kapag ginawa natin ito, para nating tinugon ang panawagan ng ating mga dakilang bayani na mahalin ang bayan at mahalin ang mamamayan,” aniya.
Ipinaalala rin niya na ang kalayaang tinatamasa ngayon ng mga Pilipino ay bunga ng sakripisyo ng mga naunang henerasyon na nag-alay ng kanilang buhay para sa bansa. Dahil dito, sinabi niyang marapat lamang na suklian ito ng tapat at dedikadong serbisyo publiko.
Sa kabila ng umiiral na sigalot sa pambansang pulitika, tiniyak ni Domagoso na mananatiling nakatuon ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa paghahatid ng serbisyo sa mahigit dalawang milyong Manilenyo.
“Manonood lang tayo ng karera nila. Pero habang ginagawa natin iyon, uubusin natin ang ating lakas upang tupdin ang ating tungkulin at paglingkuran ang dalawang milyong Manilenyo,” ani Domagoso.
Sa kanyang mensahe, muling iginiit ng alkalde na ang pagkakaisa at pagtutok sa kapakanan ng mamamayan ang susi upang makausad ang bansa sa gitna ng mga hamon at hidwaang pulitikal. (BP)