Advertisers

Advertisers

‘LEGAL DREAM TEAM’ SA IMPEACHMENT LABAN KAY SARA

0 7

Advertisers

INIHAYAG ng House prosecution panel nitong Huwebes, Hunyo 11, 2026, ang isang matatag na hanay ng mga beteranong abogado, dating opisyal ng gobyerno, mga kasosyo sa malalaking law firm, at mga eksperto sa batas na magsisilbing mga pribadong piskal sa impeachment trial ni Vice President Sara Z. Duterte sa Senado.

Ayon kay House Committee on Justice Chair at lead prosecutor Gerville “Jinky Bitrics” Luistro, boluntaryong nag-alok ng kanilang serbisyo ang mga abogado at walang tatanggapin na bayad o honorarium. Tutulong sila sa paghahanda ng mga testigo, ebidensya, mga legal na dokumento, at estratehiya para sa paglilitis.

“Napakahalagang araw ito para sa bansa dahil ipakikilala natin ang unang batch ng mga pribadong piskal na tutulong sa House prosecutors. At kapag sinabi nating unang batch, nangangahulugan itong may mga susunod pa,” pahayag ni Luistro sa isang press conference.

Kabilang sa unang grupo ang mga abogado mula sa tatlong kilalang law firms —PECABAR Law, Kapunan and Castillo Law Offices, at SALiGAL Law—na may malawak na karanasan sa mga high-profile na kaso, kriminal na usapin, corporate disputes, arbitration, at iba pang komplikadong paglilitis.

Kasama sa prosecution team sina Marforth T. Fua, managing partner ng PECABAR Law at dating assistant presidential legal counsel ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.; beteranong litigator na si Lorna Kapunan, founder at senior partner ng Kapunan and Castillo Law Offices; at Cebu-based lawyer na si Amando Virgil Ligutan, managing partner ng SALiGAL Law at senior lecturer sa University of the Philippines College of Law.

Kabilang din sa grupo sina PECABAR partners Erwin Matib at Justine Anne Lamarca, senior associate na si James Bryan Ibrahim, gayundin sina Sonya Margarita Benemerito Castillo, Deanne Melissa Lorenzo-Singian, Bettina Zamora, at Lino Chris Kapunan ng Kapunan and Castillo Law Offices.

Ayon sa House prosecutors, ang mga abogado ay may dekada ng karanasan sa criminal litigation, anti-graft cases, white-collar crimes, labor at family law, environmental law, taxation, arbitration, at corporate practice.

Sinabi naman ni Akbayan Party-list Rep. Jose Manuel “Chel” Diokno, isa sa mga House prosecutor, matagal nang bahagi ng tradisyon sa mga impeachment proceedings ang pagtanggap ng tulong mula sa mga pribadong abogado. Aniya, nagsilbi rin siyang volunteer prosecutor noong impeachment trial ng dating Pangulo Joseph Estrada.

“Hindi po madali ang trabaho ng isang prosecutor. Maraming kailangang gawin sa paghahanda ng mga testigo, ebidensya, exhibits, at pagtiyak na matatanggap ng hukuman ang lahat ng ihaharap na ebidensya,” ani Diokno.

Dagdag niya, malaking tulong ang paglahok ng mga pribadong piskal habang naghahanda ang prosecution panel para sa pagharap sa Senado.

Binigyang-diin ni Luistro na ang lahat ng miyembro ng legal team ay pumayag na maglingkod nang libre dahil sa kanilang paniniwala sa pananagutan ng mga opisyal ng gobyerno sa ilalim ng Konstitusyon.
“Humingi tayo ng tulong sa mga pribadong abogado na handang makiisa sa adhikaing ito sa boluntaryong paraan. Mas kilala ito bilang pro bono o walang bayad,” aniya.
Nilinaw rin ni Luistro na kahit nadagdagan ang bilang ng mga abogado, mananatiling nasa House prosecution panel ang pangunahing kontrol sa kaso.
“Nais kong linawin na ang mamumuno at may kontrol sa paglilitis ay ang House prosecutors pa rin. Ang mga pribadong piskal ay magsisilbing katuwang lamang at mananatiling nasa ilalim ng direktang superbisyon ng House prosecutors,” aniya.
Pinagtibay ito ni Diokno at sinabing malinaw sa mga tuntunin ng impeachment proceedings na ang lahat ng pribadong piskal ay nasa ilalim ng kontrol at pangangasiwa ng mga pampublikong prosecutor.
Ayon pa kay Luistro, nagkakaisa ang mga volunteer lawyers sa layunin ng pagtataguyod ng transparency, accountability, at rule of law.
“Naniniwala sila sa mandato ng transparency at accountability at sa itinatadhana ng Konstitusyon. Iyan ang pangunahing dahilan kung bakit sila nakikiisa sa House prosecutors sa impeachment trial na ito,” ani Luistro.
Sinabi rin niya na ang pagpapakilala sa unang batch ng mga pribadong piskal ay simula pa lamang at inaasahang madaragdagan pa ang legal team sa mga susunod na linggo.
“Mas mataas ang aming kumpiyansa ngayon dahil sa presensya ng mga pribadong piskal,” pagtatapos ni Luistro.