Advertisers
By Beth Gelena
Ayon kay Ronnie Alonte, malaki ang naging pagbabago sa kanyang buhay mula nang maging ama sa anak nila ni Loisa Andalio na si Runi Lior o “Nili.”
Paano siya umaangkop sa pagiging unang beses na tatay?
Inamin ni Alonte na nag-a-adjust siya bilang isang ama.
Inamin niya na naging mahirap ang unang buwan matapos ipanganak ang kanilang anak, ngunit pagsapit ng ikalawang buwan ay mas nakapag-adjust na sila ni Loisa, kahit hindi pa lubos.
Umiikot daw ngayon ang kanilang araw-araw na buhay sa pag-aalaga kay Nili, kaya pansamantala nilang nililimitahan ni Loisa ang pagtanggap ng mga proyekto upang mas mabigyan ng oras ang kanilang pamilya.
Hindi sila kumuha ng yaya dahil nais ng mag-asawa na sila mismo ang mag-alaga at masaksihan ang bawat mahalagang yugto sa paglaki ng kanilang anak.
Pinuri ni Ronnie ang dedikasyon ni Loisa sa pagpapasuso at sa pag-aalaga sa kanilang sanggol.
Ayon sa kanya, hindi minamadali ni Loisa ang pagbabalik sa dati nitong pangangatawan dahil mas mahalaga ang kalusugan nito para sa kanilang anak.
Para kina Ronnie at Loisa, ang pinakamahalaga ngayon ay ang kalidad ng oras na naibibigay nila sa kanilang anak, kaya kadalasan ay sa bahay lamang sila nagdiriwang kung may espesyal na okasyon.
Bagama’t may mga pagsubok sa pag-a-adjust, masaya silang maging hands-on bilang mga magulang at unahin ang bawat sandali kasama ang kanilang anak na si Nili.