Advertisers
INIHAYAG ng National Bureau of Investigation (NBI) na may malakas na indikasyon na nasa Pilipinas pa rin si Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa kabila ng arrest warrant na inilabas ng Interna- tio-nal Criminal Court (ICC).
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, patuloy nilang sinusundan ang mga impormasyong may kaugnayan sa kinaroroonan ng senador.
“Mayroon pong malakas na indikasyon na nandito pa po sa Pilipinas at meron pong mga impormasyon kaming sinusundan,” sabi ni Matibag.
Dagdag nito, mahihirapan umanong makalabas ng bansa si Dela Rosa dahil 132 bansa ang miyembro ng ICC.
Nahaharap si Dela Rosa sa ICC arrest warrant para sa “alleged criminal responsibility as an indirect co-perpetrator” sa crimes against humanity of murder na umano’y naganap mula Hulyo 3, 2016 hanggang katapusan ng Abril 2018, kung saan hindi bababa sa 32 katao ang nasawi.
Sinubukan ng mga awtoridad na isilbi ang warrant noong Mayo 11, ngunit kalaunan ay isinailalim siya sa protective custody ng Senado. Noong Mayo 14, umalis siya sa Senado matapos ang lockdown at hindi na muling nakita sa publiko.
Klinaro rin ni Matibag na wala pang natatanggap ang NBI na panibagong ICC arrest warrant, kabilang ang umano’y inilabas laban kay Senator Bong Go.