Advertisers
By Rommel Gonzales
Umpisa pa lang ay ayaw na paawat ng fans nina Marco Masa, Clifford, at Heath Jornales para sa kani-kanilang mga sinusuportahang love interest ni Caprice Cayetano sa “You’re My Favorite Song.”
Paano ba naman, simula pa lang ng pag-arangkada ng kuwento ni Angel (Caprice), may mga moment na agad siya kay Zion (Marco), Callix (Clifford), at Miguel (Heath). At talagang kita mo ang chemistry ng CapEath, CapCo, at CapFord, ha!
Andyan ang mala-pelikulang pagtatagpo ng krus nina Angel at Miguel nang palihim na nag-busking ang vocalist ng banda na Siklab. Kaso ay biglang lumipat ng school si Angel kaya di na sila mula nagkita ni Miguel. Mainit naman ang unang pagkikita nina Angel at Calix nang ma-aktohan ng dalagang binubully nito si Zion. Mas lalo pang tumindi ang pag-clash ng dalawa dahil natalo ng transferee na si Angel ang kasalukuyan palang top 1 ng Brighton Bay Academy na si Calix.
Mukhang simula palang ito ng mga pagbabago sa buhay ni Angel lalo na’t umeeksena si Serina (Kazel Kinouchi) ng Monteverde Group of Companies at balak bilhin ang lupang pagtatayuan ng pangarap na resort ng kanyang Lolo Xavi (Boboy Garrovillo).
Team CapEath, Team CapCo, o Team CapFord? Tutok na sa You’re My Favorite Song weekdays, 4:00 p.m. sa GMA Afternoon Prime.
“58th” mapapanood na sa France at New Zealand
Pagkatapos ng premiere nito sa Annecy International Animation Film Festival 2026 sa France nitong June 22, mapapanood naman ang animated documentary film ng GMA Public Affairs at GMA Pictures na “58th” sa New Zealand ngayong June 29 para sa Asia-Pacific Premiere nito sa Doc Edge Festival 2026.
Sa ilalim ng direksyon ni Carl Joseph Papa, ang “58th” ay tungkol sa mga biktima ng Maguindanao Massacre na naganap noong 2009 – na itinuturing na pinakamatinding pag-atake sa mga mamamahayag sa kasaysayan ng Pilipinas. Nakasentro rito ang kwento ni Reynaldo Momay, ang photojournalist na kinikilalang ika-58 na biktima ng Maguindanao Massacre ngunit ang labi ay hindi pa natatagpuan. Tampok sa animated film sina Glaiza de Castro, Mikoy Morales, Marco Masa, Zyren Dela Cruz, Biboy Ramirez, at ang yumaong aktor na si Ricky Davao bilang Reynaldo Momay.
Mismong si direk Carl Papa ang nagtungo sa France para sa screening sa Annecy. Kabilang ang “58th” sa mga inaabangang pelikulang magtutunggali sa ilalim ng kategoryang Contrechamp Feature Films.
Samantalang si GMA Public Affairs Senior Vice President at GMA Pictures Executive Vice President Nessa Valdellon naman ang tutulak sa New Zealand para sa mga screening sa Auckland kung saan magkakaroon din ng espesyal na Q&A.
Kilala ang Annecy International Animation Film Festival na isa sa mga kinikilalang pinaka-prestihiyosong animation festival sa mundo. Ang Doc Edge Festival naman ang pangunahing documentary festival ng New Zealand at itinuturing na isang Academy Awards-qualifying event.