Advertisers
Inanunsyo ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso ang pagpapalabas ng kabuuang P688.9 milyong benepisyo para sa 359,295 benepisyaryo mula sa iba’t-ibang sektor, kabilang ang mga pulis, guro, estudyante, senior citizen, persons with disabilities (PWDs), at solo parents, sa kanyang “Talk to the People” Facebook livestream nitong Martes, Hulyo 7.
Ayon sa City Treasurer’s Office sa pamumuno ni Atty. Paul Vega, ang pondo ay sasaklaw sa tatlong programa: P158,757,600 para sa 40,250 benepisyaryo sa ilalim ng mga ordinansang may pondo na ipamamahagi mula Hulyo 8 hanggang 11; P452,353,500 bilang monetary allowance para sa 293,655 benepisyaryo na ipamamahagi mula Hulyo 22 hanggang 24; at P77,790,000 mula sa Social Pension Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa 25,930 senior citizen, na ipamamahagi rin sa Hulyo 22 hanggang 24.
“Nilalaan po namin ay humigit-kumulang P688 milyon at P900 libo na ire-release ngayong buwan ng Hulyo,” ani Domagoso. Aniya, P611,111,100 sa kabuuang halaga ay mula sa pondo ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila, habang ang natitirang P77,790,000 ay mula sa pambansang pamahalaan sa pamamagitan ng DSWD.
Sa ilalim ng programang pinopondohan ng ordinansa, 4,447 tauhan ng Manila Police District ang tatanggap ng P2,500 kada buwan para sa Abril hanggang Hunyo, na nagkakahalaga ng P33,305,000. Tatanggap din ng parehong insentibo ang 358 tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) at 431 tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) para sa parehong panahon.
Makakatanggap naman ang 12,466 guro ng P2,000 buwanang insentibo para sa Abril hanggang Hunyo na nagkakahalaga ng P69,237,841.54, habang 5,524 Grade 12 students sa ilalim ng DepEd Manila ang tatanggap ng P500 para sa buwan ng Hunyo na may kabuuang P2,762,000.
Makikinabang din ang mga estudyante ng dalawang unibersidad ng lungsod. 9,155 estudyante ng Universidad de Manila ang tatanggap ng tig-P1,000 para sa Abril at Mayo na nagkakahalaga ng P18,310,000, habang 7,869 estudyante ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) ang tatanggap din ng tig-P1,000, na may kabuuang P15,738,000. Samantala, ang EARIST ay makatatanggap ng dalawang quarterly subsidy na tig-P6,803,135.
Sa ilalim naman ng Monetary Allowance Program, 11,515 menor de edad na PWD at 51,766 adult PWD ang tatanggap ng tig-P500 kada buwan para sa Abril hanggang Hunyo. Makatatanggap din ng kaparehong halaga ang 17,281 solo parents, na ipamamahagi mula Hulyo 22 hanggang 24.
Samantala, ang 212,553 senior citizen sa Maynila ay tatanggap ng P500 kada buwan para sa Abril hanggang Hunyo na may kabuuang P331,445,000. Bukod dito, 25,930 senior citizen na nakarehistro sa DSWD ang makatatanggap pa ng karagdagang P1,000 kada buwan para sa parehong panahon sa ilalim ng Social Pension Program ng pambansang pamahalaan, kaya dalawang magkaibang benepisyo ang kanilang matatanggap.
“Uulitin ko po, sa Lungsod ng Maynila na nakapaloob sa programang itinaguyod natin, isinimulan natin, at patuloy nating pinatutupad na kung saan walang distinction—mahirap, middle class, at mayaman. Ibig sabihin, lahat ng senior citizen, basta ang qualification lang ay edad at taga-Maynila,” ani Domagoso.
Hinimok din ng alkalde ang mga Manileño na bantayan ang iskedyul ng pamamahagi ng ayuda at ibahagi ang kanyang livestream upang matiyak na makarating ang impormasyon sa lahat ng benepisyaryo.
“Pipilitin nating laging maging mainam, sinop, at episyenteng gastahin ang taxpayer’s money na ipinagkatiwala sa atin ng mga kababayan natin,” pagtatapos ni Domagoso.(BP)