Advertisers

Advertisers

P25M ALAHAS, P1M CASH NATANGAY NG 7 HOLDAPER SA CAVITE

0 1

Advertisers

MAHIGIT P25 milyong halaga ng mga alahas at P1 milyong cash ang tinangay ng pitong holdaper nang looban ang isang jewelry store sa Barangay San Gabriel, General Mariano Alvarez (GMA), Cavite, Lunes ng umaga, July 6, 2026.
Ayon sa paunang imbestigasyon ng GMA Municipal Police Station sa mga emple-yado ng jewelry store, nagpanggap na kostumer ang isa sa mga holdaper bago pinapasok ng magkakasunod ang iba nitong mga kasabwat.
Dalawa sa mga holdaper ang may dalang baril, tinutukan ang mga empleyado habang nilimas ang mga alahas na naka-display sa showcase at ang nasabing halaga ng pera.
Mabilis na tumakas ang mga holdaper sakay ng dalawang motorsiklo bitbit ang mga bag na naglalaman ng mga alahas at perang ninakaw sa establisimyento.
Nakuhanan ng CCTV ang mga plaka ng mga motorsiklong ginamit sa pagtakas ng mga holdaper. Inaalam pa kung sino ang mga nagmamay-ari ng naturang mga motorsiklo.
Patuloy ang ginagawang manhunt operation ng mga awtoridad sa mga kriminal.
Nag-alok na ng pabuyang P100,000 ang may-ari ng tindahan ng mga alahas para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa pagkaka-kilanlan ng naturang pitong holdaper.(Koi Laura)