Advertisers
By Anne Venancio
Matapos ang anim na taong paninirahan sa Amerika, aminado ang aktres at TV host na si LJ Moreno na labis niyang na-miss ang mundo ng showbiz at ang buhay sa Pilipinas.
Kasama ang kanyang asawa na si Jimmy Alapag at kanilang apat na anak na sina Ian, Keona, Calen Asher, at Cayson Amory, tuluyan nang nagbalik ang kanilang pamilya sa bansa upang magsimula ng bagong yugto sa kanilang buhay.
Sa panayam niya sa “Fast Talk with Boy Abunda,” inamin ni LJ na hindi naging madali ang pamumuhay sa ibang bansa. Bagama’t masaya siyang sinuportahan ang karera ni Jimmy bilang coach sa NBA, hindi niya itinago na matagal na niyang hinahangad na makabalik sa pag-arte at pagho-host.
Ibinahagi rin niya na miss na miss na niyang muling mag-ayos para sa trabaho at makabalik sa harap ng kamera, matapos ang ilang taong nakatuon sa pagiging full-time na asawa at ina.
Ayon kay LJ, matagal na niyang ipinagdarasal ang pagkakataong makauwi sa Pilipinas dahil naniniwala siyang walang makahihigit sa pakiramdam ng sariling tahanan.
Samantala, sinabi naman ni Jimmy na tamang panahon na rin ang kanilang pagbabalik, lalo na para sa kanilang pamilya. Matapos siyang italaga bilang head coach ng NLEX Road Warriors sa PBA, naniniwala siyang magiging mas magaan ang buhay ng kanilang mga anak at mas magiging masaya silang mag-asawa sa kanilang bagong simula.
Sa kanilang pagbabalik, umaasa ang maraming tagahanga na muling mapapanood si LJ Moreno sa telebisyon at pelikula.