Advertisers

Advertisers

SIBAKIN, PALITAN ANG MGA ABOGADO NI MISFIT SARA

0 5

Advertisers

HINDI pa huli ang lahat. Kung kami si Misfit Sara, hindi kami nangingimi na sibakin at palitan ang hukbo ng mga mamahaling abogado na walang ginawa sa nakalipas na tatlong araw sa Senate impeachment court kundi magkalat ng lagim at katatawanan.

Hindi namin alam kung may mga magagaling na manananggol na tumatanggap sa mga paratang na kinakaharap sa Senado bilang hukuman. Parang dagang nasukol sa pusali si Misfit Sara sa bigat at tindi ng mga paratang sa kanya.

Hindi namin nalilimutan ang minsan sinabi ni Robert Servatius, ang abogadong Aleman na tumayong manananggol ng mga kriminal na Nazi lider na mga hinuli at nilitis pagkatapos ng digmaan. Kasama sa kanyang mga kliyente si Adolf Eichmann, ang lider Nazi na tumakbo sa Argentina pagkatapos ng giyera. Kinidnap ng mga ahenteng Mossad si Eichmann at dinala sa Israel kung saan doon siya nilitis at hinatulan ng bitay noong 1962.

Sinabi ni Servatius na may karapatan ang kahit sinong sinong kasuklam-suklam na kriminal na magkaroon ng kinatawan sa anumang hukuman. Sa ganang amin, karapatan si Misfit Sara na magkaroon ng maayos na depensa. Kailangan niya ng magagaling na abogado pang ipagtanggol siya ng maayos sa Senate impeachment court.

Kung pakikinggan ang depensa, walang krimen na maaaring ibintang kay Misfit Sara. Pinalaki ng prosekusyon ang isyu. Hindi siya dapat usigin, sipain sa puwesto, at diskwalipika sa mga susunod na halalan. Sa maikli, marangal ng tao si Misfit Sara, ito ang takbo ng depensa.

Ngunit sa unang tatlong araw, pawang baluktot at liko-liko ang mga katwiran na inilatag ng kanyang manananggol. Hindi namin alam kung sadyang itinutulak si Misfit sa bangin dahil lubhang hindi katanggap-tanggap ang kanilang mga katwiran na iniharap sa hukuman at bayan.

Noong Lunes, ikinatwiran ng punong manananggol na malaki ang hawig sa namayapang gossip writer na si Lolit Solis na hindi dapat balewalain ang 32 milyon na boto ni Misfit Sara noong halalan ng 2022. Popularidad ang batayan ng katwiran na punong abogado kahit na ikinatwiran nga mga bantog na manananggol na hindi ito sapat na batayan.

Kapag gumawa ng krimen ang isang lider, hindi maaaring ikatwiran ang natanggap na bilang ng boto upang lumusot sa mga paratang. Kailangan ipaliwanag ang kanyang panig – kung totoo o hindi na ginawa ang krimen, ayon sa kanila.

Hindi dito natapos ang kalbaryo ni Misfit Sara. Sa ikalawang araw, iniharap ng prosekusyon ang saksi nila, NBI senior special agent Mark Calilung, ngunit nang isailalim sa cross examination ang NBI agent, walang ginawang matino ang abogadong na apo ng isang naging punong mahistrado ng Korte Suprema.

Umabot sa 27 ang objection na kanyang iniharap sa Senate impeachment court, isang bagay na pinagtatawanan dahil nagkaroon ng impresyon na kasama sa kanilang professional fee ang bilang ng objection. Mistulang metro ng taksi ang kanyang serbisyo bilang abogado.

Totoong pinagtawanan ang mga manananggol ng depensa na sabihin ng isang batambata ngunit pipitsuging abogado na hindi katanggap tanggap na paratangan si Misfit Sara nga mga bintang sa ilalim ng Articles of Impeachment dahil hindi napatunayan ng prosekusyon na may kinontra na mamamatay tao si Misfit utang utasin si BBM, FL, at Martin Romualdez.

Mukhang mangmang sa batas ang abogado ni Misfit dahil sa ilalim ng batas ng bansa, hindi kailangan patunayan na may kontrata sa pagitan ni Misfit at mamamatay-tao. Mismong si Misfit Sara ang buong pagmamalaking nagdeklara na may kinontrata siya na mamamatay tao upang patayin si BBM, asawa, at Romualdez.

Hindi namin alam kung saan humugot ng katwiran ang mga patapong abogado ni Misfit Sara. Lubhang mahal ang serbisyo, ngunit hindi sila nagbibigay ng paglilingkod na katumbas na bayad sa kanila. Hindi sila epektibo.

***

PARA kay Deputy Speaker Jay Khonghun ng Zambales, hindi maaring bigyan ng katwiran ng matinding galit at pagkakaiba ng opinyon sa pulitika upang bantaan ni Misfit Sara na papatayin niya si BBM. “Whether she was triggered or not is beside the point,” ani Khonghun.

“Sa isang demokratikong lipunan, walang sinuman—lalo na ang Bise Presidente—ang maaaring gumamit ng pagiging ‘triggered’ bilang dahilan para magplano o magbanta ng pagpatay sa Pangulo,” ani Khonghun. “Kung ang isang ordinaryong mamamayan ay hindi maaaring magdahilan na siya ay galit o nasaktan para magplano ng pagpatay, lalong hindi maaaring gawin iyon ng isang Bise Presidente na isang tibok ng puso lamang ang layo sa pagkapangulo,” aniya.

“Hindi ito paglilitis kung sino ang naunang mang-asar o mang-inis. Ang tanong ay simple: May katanggap-tanggap bang dahilan para magbanta o magplano ng pagpatay sa Pangulo? Ang sagot ay wala,” aniya.

“Kapag tinanggap natin na puwedeng gawing depensa ang pagiging ‘triggered,’ para na rin nating sinasabing may pagkakataong puwedeng maging katanggap-tanggap ang pagbabanta laban sa Pangulo. Delikado iyan sa ating demokrasya at sa ating Saligang Batas,” aniya.

“Ang hinihingi ng taumbayan ay pananagutan, hindi paliwanag kung bakit nagalit. Ang emosyon ay maaaring magpaliwanag sa isang kilos, pero hindi nito binubura ang pananagutan sa ilalim ng Konstitusyon,” aniya.

“Mas mataas ang pamantayan para sa mga pinuno ng bansa. Ang pagiging Bise Presidente ay nangangailangan ng matatag na paghatol, pagpipigil sa sarili, at lubos na paggalang sa ating mga institusyon. Hindi maaaring gawing lisensya ang galit upang bigyang-katwiran ang banta ng karahasan laban sa Pangulo,” ani Khonghun.