Advertisers

Advertisers

Yorme Isko: Malaya ang rali sa Maynila, pero dapat may disiplina

0 3

Advertisers

Hindi kailanman naging krimen ang magpahayag ng saloobin. Sa isang demokratikong lipunan, karapatan ng bawat mamamayan ang magprotesta, magtanong at maningil ng pananagutan sa pamahalaan.

Nguni’t tulad ng anumang karapatan, may hangganan din ito.

Ito ang malinaw na mensahe ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso: bukas ang Maynila sa mga nagra-rally, pero sarado ito sa mga manggugulo.

Hindi niya ipinagbabawal ang kilos-protesta. Sa katunayan, kinikilala niya ang Freedom Parks bilang lugar kung saan maaaring magtipon ang mga tao nang hindi na kailangang humingi ng permit.

Ngunit kapag ang layunin ay sirain ang mga ari-arian ng publiko, manira ng negosyo, o gambalain ang kaayusan ng lungsod, ibang usapan na iyon.

Tama lamang ang paalala ng alkalde: ang kalayaan sa pamamahayag ay may kaakibat na responsibilidad. Hindi sukatan ng tapang ang pagbabasag ng stoplight, ATM o mga establisimyento.

Hindi rin nadaragdagan ang bigat ng isang adhikain kapag nauuwi ito sa karahasan at pagkawasak.

May isa pang mahalagang punto ang pahayag ni Isko Moreno—ang kalsada ay para sa lahat. Habang may karapatan ang isang grupo na magpahayag, may karapatan din ang mga manggagawa, estudyante, motorista at ordinaryong mamamayan na makapasok sa trabaho, paaralan at makauwi nang ligtas.

Ang tunay na demokrasya ay hindi lamang paggalang sa boses ng ilan, kundi paggalang din sa karapatan ng nakararami.

Kaya’t ang panawagan ay simple ngunit mahalaga: magtipon nang mapayapa, magpahayag nang may dignidad, at umalis nang walang iniwang pinsala.

Hindi kailangang magmistulang larangan ng digmaan ang isang protesta upang marinig ang hinaing ng mamamayan.

Sa huli, hindi ang lakas ng sigawan ang sukatan ng isang makabuluhang pagkilos. Mas matimbang pa rin ang disiplina, respeto at pananagutan.

Sapagkat ang tunay na laban para sa pagbabago ay hindi nagsisimula sa paninira—kundi sa maayos at mapayapang pagpapahayag ng katotohanan
***
Sa tuwina laging ipinaaalaala ni Isko na dapat bawat piso ng bayan, dapat may pinatutunguhan.

Kasi sa panahon ngayon na tila nakasanayan na ng marami ang balita tungkol sa utang, kakulangan ng pondo at mga proyektong hindi natatapos, may isang simpleng salita na muling binigyang-diin ni Yorme Isko—disiplina.

Hindi ito disiplina sa lansangan o sa trapiko, kundi disiplina sa paghawak ng kaban ng bayan.

Sa harap ng mga Certified Public Accountants, ibinahagi ni Isko ang naging hakbang ng pamahalaang lungsod upang ibangon ang pananalapi ng Maynila.

Ayon sa kanya, sinalubong ng kanyang administrasyon ang mabigat na problemang pinansyal, kabilang ang mga naiwang obligasyon at kakulangan sa maayos na pamamahala ng pondo.

Sa halip na ipagkibit-balikat ang mga lumang pagkakautang, pinili umano ng lungsod na kilalanin at unti-unting bayaran ang mga ito.

Isang mahalagang prinsipyo ang kanyang binigyang-diin: ang isang pamahalaang may kredibilidad ay marunong tumupad sa mga pangako at obligasyon nito.

Hindi rin umano basta-basta gumagastos ang lungsod. Araw-araw ay sinusuri ang estado ng pondo upang matiyak na bawat pisong inilalabas ay may malinaw na layunin at pakinabang sa mamamayan.

Sa panahon ng limitadong resources, ang pinakamahalagang puhunan ng isang lokal na pamahalaan ay hindi lamang malaking koleksiyon ng buwis kundi maingat na paggasta.

Ito marahil ang pinakamahalagang paalala sa lahat ng opisyal ng gobyerno: hindi sapat ang marunong mangolekta ng kita.

Mas mahalaga ang marunong mag-ingat, magplano at gumastos nang tama.

Kapag maayos ang pananalapi ng lungsod, mas nagiging tuluy-tuloy ang mga pangunahing serbisyo—mula sa kalusugan at edukasyon hanggang sa imprastraktura at serbisyong panlipunan.

Kapag disiplinado ang paggasta, mas nagkakaroon ng kumpiyansa ang mga negosyante, supplier at mismong mamamayan sa kanilang pamahalaan.

Sa huli, ang tunay na sukatan ng mahusay na pamamahala ay hindi lamang dami ng proyektong naipapagawa. Mas mahalaga kung paano pinangangalagaan ang bawat sentimong nagmumula sa buwis ng taumbayan.

At kung may isang aral na maaaring iuwi mula sa mensahe ni Yorme Isko, ito ay ang pagbangon ng isang lungsod ay nagsisimula hindi sa malaking pondo, kundi sa malaking disiplina sa paggamit nito.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.