Advertisers
PAANO naman mahihinto ang jueteng at ang kakupetensya nitong sugal lupa na Pergalan o (Perya-sugalan) kung may mga matataas na opisyal ng kapulisan at maimpluwensiyang pulitiko sa Oriental Mindoro ang tumatanggap ng “payola”.
Lumalabas kasi na walang silbi ang Republic Act 9287 laban sa illegal gambling mula nang amyendahan ang Presidential Decree (PD) 1602 noong 2004 dahil sa wala pang naipakulong na mga protektor at gambling operator/lord sa nasabing lalawigan kaya dismayado ang mga nagrereklamo na sa kabila umano ng mataas na penalty ay wala pang nakukulong kahit lantad ang operasyon nito sa lalawigan ni Governor Humerlito ‘Bonz’ Dolor.
Sa kabila ng kaliwat kanang reklamo at pagbubunyag ng Police Files TONITE ay nananatiling tikom ang bibig nina Oriental Mindoro PNP Provincial Director PCol Edison Revita at PRO MIMAROPA Regional Director PBGen Christopher Dela Cruz sa gambling operation.
Mabigat itong Republic Act (RA) 9287, Kaya ang tanong ng mga taga Oriental Mindoro kay Philippine National Police (PNP) Chief, Jose Melencio Nartatez, kung meron ng naparusahan sa batas na ito na itinaas ang penalty ng mga perpetrators ng illegal gambling.
Sa bagsik ng batas na ito na pinirmahan noon ng dating Pangulong na ngayon ay Pampanga Congresswoman Gloria Macapagal Arroyo, na ang mga mananaya ay maaaring makulong ng hanggang tatlong buwan habang 10 taong pagkabilanggo naman sa mga protektor.
Walong taon na pagkabilanggo naman sa mga tauhan ng mga gambling operator/lord at kukumpiskahin ang bahay, gusali, sasakyan na ginagamit sa operasyon ng ilegal na sugal.
Makukulong din ng hanggang (12) taon ang maintainer, manager at operator ng ilegal na sugal; hanggang 14 taon naman sa mga financier o kapitalista at (20) taon sa kanilang mga protektor sa gobyerno.
Kapag public officials, elected man o appointed, ay tatanggalin sa puwesto at hindi na papayagang pumasok sa public service.
Ilang dekada na ang nasabing batas ngunit wala pa umanong gambling operators/lord at protektor ang naipakukulong sa nasabing probinsya na sangkot sa jueteng at sa kakupetensya nitong pergalan o perya-sugalan tulad ng “drop ball baraha at color games na talamak din sa probinsya.
Matatandaan na noong panahon ni dating Gov. Rodolfo G. Valencia naging “zero jueteng operation” ang buong Oriental Mindoro mula 1992 hanggang 2001 kung saan tanging si Valencia lamang ang tanging Gobernador ang nakapagpatigil ng sugal sa kanyang 3 termino. Sabi ni Valencia noon kung gusto nating mahinto ang jueteng at iba pang sugal sa probinsya wag tayong tumanggap ng lagay o payola. Mismo!
Kaugnay ng isyung ito ay nagawa ding patawan noon ng preventive suspension ng Ombudsman si Albay Gov. Edcel Greco “Grex” Lagman dahil sa kasong isinampa ni self-confessed jueteng bagman na si dating Anislag Brgy Kapitan Alwin Nimo ng bayan ng Daraga dahil sa sinasabing pagtanggap ng jueteng payola na umabot sa P8.16 milyon noong sya pa ang bise-gobernador ng lalawigan.
Tanong ng taga Oriental Mindoro bakit hindi ito magawa ng Ombudsman sa kanilang probinsya.
Bukod dyan, sinampahan din noon ng kasong plunder sa tanggapan ng Ombudsman si Pangasinan Gov. Amado Espino Jr. dahil sa pagiging operator ng jueteng sa kanyang lalawigan at nagkamal umano ng P10-milyon kada buwan na aabot sa halos P1-bilyon.
Ang naturang kaso ay base na rin sa ibinulgar ni Mayor Ricardo Orduna ng Bugallon, Pangasinan isang self-confessed jueteng operator na bumaklas kay Espino at Brgy Chairman Fernando Alimagno alyas Boy Bata , isang noturyos jueteng financier o Bangka na nag-ooperate sa buong Pangasinan.
Tanong uli ng mamamayang mindoreño kung nagawa sa ibang probinsya bakit hindi ito gawin sa Oriental Mindoro.
Nanawagan din ang mga residente, religious group at mananampalataya kay PNP Chief Jose Melencio Nartatez Jr. at DILG Sec. Jonvic Remulla na paimbestigahan ang ilang pulitiko na tumatanggap ng “grasya” maging ang ilang matataas na opisyal ng kapulisan na nasa likod umano ng talamak na sugal dahil hanggat may tumatanggap ng “payola” ay hindi umano magiging payapa ang kanilang probinsya. Mismo!
May impormasyon na natanggap ang pitak na ito na diumanoy halos lahat ng unit ng PNP sa Camp Efigenio Navarro ay ipinangongolekta sa mga Peryahan na pulos sugal ng ilang aktibong pulis na nakatalaga sa SOG, S2, R2 at CIDG RFU maging ang NBI-MIMAROPA?
***
Anumang reaksyon o suhestiyon itext sa 09397177977/09368625001 o di kaya mag email balyador69@gmail.com