Advertisers
Pinuri ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso ang panibagong tagumpay ng Ospital ng Maynila Medical Center matapos nitong matagumpay na maisagawa ang ikatlong libreng angioplasty sa isang 67-anyos na residente ng Maynila na hindi naglabas ni isang sentimo para sa operasyon sa puso na umaabot sa halos P975,000 ang halaga.
Sa kanyang “Talk to the People” Facebook livestream nitong Huwebes, Hulyo 9, sinabi ni Moreno na karaniwang umaabot sa P800,000 hanggang P1.5 milyon ang halaga ng angioplasty sa mga pribadong ospital, ngunit sa Ospital ng Maynila ay ganap itong libre para sa mga kwalipikadong pasyente.
“Magkano po binayaran ng pasyente natin ngayon? Zero. Literally zero. Walang binayaran. Salamat sa taxpayers ng siyudad,” ani Moreno.
Ipinaliwanag ng alkalde na ang angioplasty ay isang minimally invasive na pamamaraan upang mabuksan ang mga baradong ugat sa puso nang hindi na kinakailangang sumailalim sa open-heart surgery, kaya mas mabilis ang paggaling at pag-uwi ng pasyente.
“Kapag barado po ang puso at hindi pa due for bypass, at kaya naman ng angioplasty, ‘yan po ang procedure,” dagdag niya.
Binigyang-diin ni Moreno na mananatiling libre ang serbisyong ito sa pampublikong ospital ng lungsod.
“Wala pong bayad ang angioplasty sa ating pampublikong ospital, at tuloy-tuloy po ‘yan,” aniya.
Ayon pa sa alkalde, ang programang ito ay nagbibigay ng patas na pagkakataon sa mahihirap na pasyente na makalaban sa sakit sa puso.
“Maraming mahirap ang namamatay nang hindi nabibigyan ng patas na pagkakataon. Kung nandiyan ang mga doktor, gamit at gamot, mabigyan man lang sila ng patas na laban,” saad ni Moreno.
Ang ikatlong matagumpay na angioplasty ay kasunod ng unang dalawang naisagawa noong Marso 2026, matapos buksan ng lungsod ang Cardiac Catheterization Laboratory noong Setyembre 2025, na unang nag-alok ng libreng angiogram.
Inihayag din ni Moreno na naglaan ang pamahalaang lungsod ng halos P25 milyon bilang standby fund para sa pagbili at maintenance ng mga kagamitan upang matiyak ang tuloy-tuloy na operasyon ng programa.
Nagpasalamat din ang alkalde sa medical team na pinamunuan ni Manila City Health Officer Dr. Grace Padilla, kasama ang mga interventional cardiologist, anesthesiologist, mga nurse at radiologic technologist na nagsagawa ng matagumpay na operasyon.(BP)