Advertisers
By Anne Venancio
Inamin ni Queenie Padilla na naaprubahan na ang kanyang divorce mula sa kanyang ex-mister na Pakistani na si Usama Mir.
Sa Facebook post noong June 30, sinabi ng panganay na anak ni Sen. Robin Padilla na matagal na niyang isinara ang kabanatang iyon ng kanyang buhay at payapa na siya ngayon. Dalawang taon na ang nakalipas nang tuluyan niyang iwan ang nakaraan.
Nilinaw rin niyang ang natanggap niyang diborsiyo ay “divorce by faskh” at hindi “talaq divorce.” Sa ilalim ng Islamic law, ang faskh ay hinihiling ng asawa sa Shari’ah court at maaaring aprubahan kapag may sapat na dahilan. Dagdag pa niya, may kondisyon ang desisyong ito kaya hindi na sila maaaring muling magpakasal ng kanyang dating asawa.
Diniin naman ni Queenie na hindi niya isinusulong ang diborsiyo. Ito ay dapat lamang maging huling opsyon kapag wala nang pagmamahal, habag, at respeto sa relasyon.
Matatandaang ikinasal sina Queenie at Usama Mir noong 2012, ngunit noong 2015 lamang nalaman ng publiko ang tungkol dito.