Advertisers
NAGMUNGKAHI si Senator-Judge Panfilo Lacson na panatilihing handa at nasa Senado na ang mga testigong nakatakdang tumestigo sa loob ng isang linggo upang maiwasan ang pagkaantala sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Lacson, makatutulong ang hakbang upang masulit ang limitadong oras ng pagdinig at matiyak ang karapatan ng bise presidente sa isang mabilis na paglilitis nang hindi isinasakripisyo ang due process.
Sinabi ng senador na naobserbahan niyang napaaga ang pagtatapos ng pagdinig noong nakaraang linggo dahil wala pa sa Senado ang susunod na testigo, si NBI Regional Director Jeremy Lotoc.
Babala niya, kung magpapatuloy ang kasalukuyang takbo ng paglilitis na isang testigo lamang ang natatapos kada linggo, posibleng umabot pa ito hanggang sa Kapaskuhan o higit pa.
Ayon kay Lacson, bukas naman umano si Presiding Officer Francis Escudero sa naturang mungkahi.
Bukod dito, sinabi rin ng senador na maaari ring talakayin ng mga senator-judge sa susunod na caucus ang saklaw ng kanilang pagtatanong sa mga testigo at maging sa isa’t isa upang maiwasan ang mahahabang interpelasyon na nakadadagdag sa haba ng paglilitis.
Naniniwala rin si Lacson na dapat mismong mga senator-judge ang mag-usap kung may isyu sa asal ng kanilang mga kasamahan, sa halip na ito ay ipinapaalala sa publiko ng impeachment court spokesperson.
Samantala, umaasa rin si Lacson na maaagapan ang usapin sa tamang bilang ng boto na kinakailangan upang mahatulan ang respondent, upang maiwasan ang posibilidad na mabaligtad sa Korte Suprema ang magiging desisyon ng impeachment court dahil sa isyu ng voting threshold.