Advertisers

Advertisers

P1B LTO INSURANCE CHARGE SA MOTORISTA ‘WALANG RESIBO’

0 3

Advertisers

KINUWESTIYON ng mga nagpaparehistro ng sasakyan ang panibagong P60.00 na binabayaran nila sa registration na walang resibo, bukod pa sa mandatory Third Party Liability (TPL) insurance.

Ayon sa grupong Motorista Laban sa Anomalya ( MLA), sinabi sa kanila ng mga taga-LTO na ang naturang sixty pesos ay para sa ‘certificate of valilidation of insurance’ na mariin nilang tinututulan.

Sinabi ng MLA na pinatanggal ng gobyerno ang P99.00 na sinisingil ng Stradcom para sa interconnectivity subalit napalitan naman ito ng P60.00 na hindi naman nakalagay sa resibo.

Kinondena rin ng MLA ang kawalang aksiyon ni Insurance Commissioner Reynaldo Regalado sa paulit-ulit nilang reklamo laban dito kaya nanawagan na sila kay Transportation Secretary Giovanni Lopez para ito ay imbestigahan.

“Ang daming problema sa sistema ng ating insurance dahil bukod sa walang resibong sixty pesos, ang insurance na mandatory sa vehicle registration ay masyado na ring mataas. Mula sa dapat na P650, umaabot na rin sa P1,300 ang binabayaran ng mga nagpaparehistro.

Hinamon din nila si Commissioner Regalado na ipatigil ang ganitong sistema ng dagdag-singil sa insurance na umaabot sa halos P1 billion collection na walang proper accounting sa pamahalaan.

Nagbanta rin ang MLA na kakasuhan sa Office of the Ombudsman si Regalado at LTO officials kapag nagpatuloy ang ganitong sistema.

“Sana lang ay kumilos din si LTO Chief Markus Lacanilao para malinawan sa ating mga kababayan kung para saan ang sixty pesos na sinisingil sa halos sampung milyong sasakyang nagpaparehistro taun-taon,” diin ng MLA.