Advertisers

Advertisers

Edu Manzano nagkamali ng Gcash transfer, natuwa na ibinalik ng estranghero

0 9

Advertisers

By Anne Venancio

Ibinahagi ng aktor at TV host na si Edu Manzano ang isang insidente kung saan aksidenteng nailipat ng kanyang assistant ang malaking halaga ng pera sa maling GCash account.

Sa kanyang Facebook post, sinabi ni Edu na isang maling digit lamang sa cellphone number ang naging dahilan ng pagkakapadala ng pera sa hindi tamang account.

Agad silang nakipag-ugnayan sa GCash at tinawagan ang numerong nakatanggap ng pera upang ipaalam ang nangyari. Sa unang tawag, sinabi ng nakatanggap na wala umano siyang natanggap na halaga.

Inakala ni Edu na maaaring hindi na maibalik ang pera, ngunit makalipas ang ilang minuto ay tumawag muli ang lalaki at sinabi niyang nais muna niyang makumpirma na si Edu nga ang kausap bago niya isauli ang halaga.

Nagpasalamat si Edu sa katapatan ni Sherwin Ang, ang taong nakatanggap ng maling naipadalang pera. Ayon sa aktor, higit pa sa halaga ng pera ang naging mahalaga sa kanya ang ipinakitang integridad ng isang taong hindi niya personal na kilala.

“Maraming salamat, Mr. Sherwin Ang. Hindi lang po ninyo ibinalik ang pera ko. Ibinalik ninyo ang kaunting pananampalataya ko sa kabutihan ng tao,” pahayag ni Edu.

Nilinaw ng aktor na ibinahagi niya ang karanasan upang kilalanin ang kabutihang ginawa ni Sherwin at ipakita na mayroon pa ring mga taong tapat at mapagkakatiwalaan.

Umani naman ng papuri mula sa netizens ang ginawa ni Sherwin, na nagsabing ang kanyang katapatan ay nagsisilbing magandang halimbawa sa panahon ng pagdami ng online scams.