Advertisers
Hinahamon ng National Wage Coalition, binubuo ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Kilusang Mayo Uno (KMU), Nagkaisa! Labor Coalition (NAGKAISA!), at Trade Union Congress of the Philippines (TUCP), ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr.: MAHIYA NAMAN KAYO SA MANGGAGAWA AT ORDINARYONG PILIPINO!
Apat na taon ng administrasyong Marcos na ang lumipas. Limang State of the Nation Address (SONA) na ang nagdaan. Ngunit hanggang ngayon, wala pa ring seryosong plano para itaas ang sahod, wakasan ang ENDO, at ipaglaban ang karapatan na mag-unyon. Dalawang taon na lamang ang natitira sa administrasyon, ngunit ni isang panukalang batas para sa legislated wage hike, Security of Tenure, at Freedom of Association ay hindi naisabatas, hindi na-certify bilang urgent, at ni hindi man lamang naging prayoridad sa Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC). Kaya malinaw ang panawagan ng bawat manggagawa at ordinaryong Pilipino:
DAGDAG-SAHOD ISABATAS TUNGO SA NAKABUBUHAY NA ANTAS! May ipinagyayabang na ?85 na umento, ngunit hulugan pa at pang Metro Manila lang. Samantala, apat sa bawat limang minimum wage earner sa bansa ay wala pa ring dagdag-sahod at lugmok pa rin sa kahirapan. Walang ayudang kayang punan ang kakulangan ng sweldo araw-araw. Panahon nang wakasan ang bulok na provincial wage system at isulong ang isang pambansang living wage para sa lahat ng manggagawa. Maging ang Personnel Economic Relief Allowance (PERA) ng mga kawani ng gobyerno, na halos tatlong dekada nang hindi nadaragdagan, ay patuloy na ipinagkakait.
DISENTENG TRABAHO AT KARAPATAN SA PAG-UNYON PARA SA LAHAT! Hindi sapat ang paglikha ng trabaho kung ang mga manggagawa ay nananatiling kontraktwal at takot ipaglaban ang kanilang karapatan. Tutukan ang tuluyang pagwawakas sa kontraktwalisasyon sa pribado at pampublikong sektor at ang ganap na paggalang sa karapatan ng mga manggagawa na magbuo ng unyon at makipag-collective bargaining. Walang puwang ang red-tagging sa mga manggagawang nag-oorganisa. Lalo itong hindi katanggap-tanggap sa isang bansang nakatakdang mamuno sa International Labour Conference (ILC) sa susunod na taon. Panahon nang patunayan ng pamahalaan, sa gawa at hindi lamang sa salita, na tunay nitong iginagalang ang kalayaan sa pag-oorganisa, disenteng trabaho, at karapatang pantao sa paggawa.
BUWIS NG MANGGAGAWA, BAWASAN! BUWIS NG MAYAYAMAN, DAGDAGAN! Patuloy na tumataas na nga ang presyo ng bilihin, pinapatawan pa ng VAT ng gobyerno, pati kuryente at excise tax pa sa petrolyo. Kaya dapat bawasan ang income tax ng mga manggagawa, maging sa middle class, at bawasan ang pasanin sa VAT at excise tax. Tiyaking ang mas malaking bahagi ng pagbubuwis ay manggagaling sa pinakamayayaman at pinakamalalaking korporasyon na may pinakamalaking kakayahang magbayad.
PRESYO, LALO NG PETROLYO AT KURYENTE, IBABA! Ibasura ang Oil Deregulation Law at ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) na nagbukas ng pintuan sa walang habas na pagtaas ng presyo. Hindi dapat hinahayaan ang iilang malalaking kumpanya na kumita nang sobra-sobra habang kinakain ng presyo ng petrolyo at singil sa kuryente ang sahod ng manggagawa at pamilyang Pilipino.
MANAGOT LAHAT NG KURAKOT! Hindi sapat mahiya. Dapat managot, makulong, at maibalik ang ninakaw sa taumbayan. Bawat pisong ninakaw ay dapat ibalik sa pampublikong serbisyo, tulad ng edukasyon, kalusugan, at paglikha ng regular na trabaho
Kaya sa ikalimang SONA ng Pangulo, hindi na sapat ang matatapang na soundbite at matatayog na statistics. Dahil kung Bagong Pilipinas ang pangako ng administrasyong Marcos, dapat magkaroon ng tunay na pagbabago: dagdag-sahod isabatas, wakasan ang ENDO, ipagtanggol ang karapatang mag-unyon, ibaba ang buwis at presyo, at panagutin lahat ng kurakot. Hangga’t hindi ito nagagawa, iisa ang mensahe namin sa administrasyong Marcos: MAHIYA NAMAN KAYO SA MANGGAGAWANG PILIPINO! (Cesar Barquilla)