Advertisers

Advertisers

SANDRO, DY: SYSTEM LOSS ‘WAG IPASA SA CONSUMERS!

0 4

Advertisers

HINDI na dapat akuin ng mga nagbabayad ng kuryente ang mga pagkaluging dulot ng pagnanakaw ng kuryente, sirang metro, mahinang sistema ng paniningil, kakulangan sa maintenance, hindi episyenteng operasyon, o kapabayaan ng mga distribution utility.

Ito ang layunin ng House Bill (HB) No. 10430, Systems Loss Charge Abolition Act, na inihain nina House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III at House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos ng Ilocos Norte.

Sa ilalim ng panukala, tuluyan nang aalisin ang system loss bilang hiwalay na singil sa buwanang bayarin sa kuryente.

Nililinaw rin ng panukala na dapat maprotektahan ang mga konsyumer laban sa mga singiling nagmumula sa mga sitwasyong nasa kontrol ng mga distribution utility, habang pinapayagan parin ang pagbawi ng mga lehitimong gastusin na kinakailangan upang maihatid ng maayos at episyente ang serbisyo ng kuryente.

Ayon kay Marcos, pangunahing prayoridad ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang pagpapababa ng mataas na presyo ng kuryente kaya’t malinaw ang hangganang nais nilang itakda.

“Ginawang pangunahing isyu ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang mataas na halaga ng kuryente, at malinaw ang aming paninindigan ni Speaker Bojie Dy—dapat magbayad ang mga konsyumer para sa mahusay na serbisyo, hindi para sa pagnanakaw, kapabayaan o mga pagkukulang sa operasyon na wala silang kasalanan. Hindi dapat gawing insurance policy ang buwanang bill ng ordinaryong pamilya para sa mga pagkukulang na kayang pigilan ng utility,” ani Marcos.

Nakasaad din sa panukala na hindi maaaring ipasa ng mga distribution utility sa mga konsyumer ang mga disallowed system losses sa pamamagitan ng wheeling charges, supply charges, metering charges, universal charges, subsidies o anumang iba pang singil na nakalagay sa buwanang electric bill.

Ang Energy Regulatory Commission (ERC) ang magtatakda kung anong limitadong bahagi ng konsumo ng kuryente na tunay na kinakailangan sa maayos na operasyon ng distribution network ang maaaring maisama sa distribution wheeling charge.

Ipinagbabawal din ng panukala ang pagpasa sa mga nagbabayad ng kuryente ng mga gastusing dulot ng ilegal na paggamit ng kuryente, power theft, at pagnanakaw o paninira sa mga linya, kagamitan at iba pang electrical facilities.

Saklaw din ng pagbabawal ang mga pagkaluging sanhi ng sira o maling metro, kahinaan sa billing at koleksiyon, kakulangan sa maintenance, hindi episyenteng operasyon, kapabayaan at iba pang problemang nasa kontrol ng distribution utility.

Gayunman, mananatili ang karapatan ng mga distribution utility na mabawi ang makatwiran at kinakailangang gastusin upang mapanatili ang maaasahan at tuloy-tuloy na serbisyo at ang kanilang katatagang pinansyal.

Isasagawa ng ERC ang reporma nang paunti-unti upang maprotektahan ang mga konsyumer nang hindi naaapektuhan ang pagiging maaasahan ng suplay ng kuryente o ang operasyon ng mga maayos na pinatatakbong utility.

Nakasaad din sa panukala na unti-unting babawasan ang mga gastos na maaaring ipasa sa mga end-user at dapat makumpleto ang transisyon sa loob ng tatlong taon mula sa paglalabas ng implementing rules.

Magtatakda rin ang ERC ng minimum efficiency standards para sa mga distribution utility, kabilang ang mga pamantayan sa dalas ng service interruptions at koleksiyon.

“Hindi ito ganap na pagbabawal sa pagbawi ng mga lehitimong gastusin. Mahalaga ang pagkakaibang ito para kina Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at Speaker Bojie Dy. Ang mga utility na mahusay ang operasyon ay maaaring makabawi ng makatwiran at kinakailangang gastusin, ngunit ang mga pagkaluging bunga ng mga problemang kaya nilang kontrolin ay dapat manatiling kanilang pananagutan,” paliwanag ni Marcos.

Inaatasan din ng panukala ang ERC na maglabas ng implementing rules sa loob ng 90 araw matapos maipasa ang batas, sa pakikipagkonsulta sa Department of Energy (DOE), mga distribution utility, consumer groups at iba pang stakeholders. Magkakabisa ang batas 15 araw matapos itong mailathala.