Advertisers
PAG-AARALAN ng Malakanyang ang rekomendasyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na itaas sa P20 ang fuel subsidy para sa mga public utility vehicle (PUV) sa loob ng isang buwan.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, tinatalakay na ito ng Palasyo kasama sina Executive Secretary Ralph Recto, Transportation Secretary Giovani Lopez at economic team upang makabuo ng malinaw na desisyon.
Kasama sa pag-aaral ang pagkakaroon ng sapat na pondo sakaling aprubahan ng Pangulo ang panukala.
Nauna nang pinalawig hanggang katapusan ng Agosto ang umiiral na P10 fuel subsidy dahil sa epekto ng tensyon sa Middle East sa presyo ng langis.
Samantala, hinimok ng Malakanyang ang grupong Manibela na idaan sa dayalogo ang kanilang mga hinaing sa halip na magsagawa ng transport strike sa Agosto 10 hanggang 12.
Ayon kay Castro, bukas ang pamahalaan sa pakikipag-usap at naniniwalang higit na maaapektuhan ang mga commuter kung matutuloy ang tigil-pasada.
Tiniyak din ng Palasyo na nakahanda ang gobyerno na tugunan ang anumang magiging epekto ng planong transport strike. (Gilbert Perdez/Vanz Fernandez)