Advertisers
Hinikayat ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang publiko, mga local government officials at iba pang sektor ng lipunan na makibahagi sa “LegisHear” upang makabuo ng mas makabuluhang batas ang Kongreso.
Ginawa ni Dy ang panawagan gitna ng pangalawang LegisHear na isinagawa sa Butuan City, na sinimulan noong nakaraang linggo sa lalawigan ng Speaker sa Isabela.
“Kaya inaanyayahan po namin ang publiko, ang ating mga lokal na pamahalaan, mga ahensya ng gobyerno, civil society organizations, academe, at lahat ng sektor ng lipunan na makiisa sa LegisHear. Sama-sama nating hubugin ang mga batas na tunay na tumutugon sa pangangailangan ng ating bansa,” ani Dy.
Inilunsad ang LegisHear dahil naniniwala umano ang lider ng Kamara na sa bawat makabuluhang batas ay dapat magsimula sa isang tinig mismo ng sambayanang Pilipino.
“Ito po ang layunin ng LegisHear. Nais po naming ilapit ang Kongreso sa ating mga kababayan. Amin pong bibisitahin ang iba’t ibang panig ng bansa upang makinig, makipag-usap, at mapulsuhan ang tunay na kalagayan ng ating mga kababayan,” ayon sa lider ng Kamara.
“Ito po ang aming paraan ng pagbuo ng isang Bagong Kongreso—hindi lamang bagong pamunuan o mga bagong programa, kundi isang Kongresong may bagong pamantayan ng paglilingkod: mas bukas, may integridad, may malasakit, at naniniwalang ang pinakamahusay na mga batas ay nabubuo kasama ang mamamayan,” dagdag pa nito.
Ipinaliwanag nito na na hindi kayang makamit mag-isa ng Kongreso ang pagbabagong inaasam ng lahat kaya kailangan aniya ng ito ang boses, ideya ng bawat sektor at bawat mamamayan sa pagbuo ng batas na kailangang ng mga ito at ng bansa sa kabuuan.
“Sa Bagong Kongreso, naniniwala tayo na ang bawat batas ay mahalaga at ang bawat isa sa atin ay mahalagang bahagi ng pagbuo nito,” ayon pa kay Dy. (Henry Padilla)