Advertisers
By Anne Venancio
Hindi naging madali ang simula ni Sandara Park sa Pilipinas. Sa isang panayam, ibinahagi ng K-pop superstar na 10 taong gulang pa lamang siya nang lumipat ang kanilang pamilya sa bansa. Dahil hindi siya marunong magsalita ng English at Filipino noon, madalas siyang hindi makaintindi sa klase at napagtatawanan pa ng mga kaklase dahil sa kanyang pagbigkas ng mga salita.
Sa kabila ng mga pagsubok, hindi siya sumuko. Music ang naging comfort zone niya habang unti-unti niyang nabuo ang pangarap na maging singer. Mula sa simpleng pakikinig ng Korean songs, lumaki ang kanyang inspirasyon hanggang sa pangarapin niyang mapabilang sa entertainment industry.
Hindi rin inaasahan ni Sandara na ang pagsama lamang sa kaibigan para mag-audition sa Star Circle Quest noong 2004 ang magiging simula ng kanyang showbiz career sa Pilipinas. Mabilis siyang minahal ng mga Pinoy at nakilala bilang “Krung-Krung” dahil sa kanyang cute at kakaibang personalidad.
Para kay Sandara, malaking bahagi ng kanyang pagkatao ang Pilipinas. Aniya, “Korean ang hardware ko, pero Filipino ang software ko.” Ngayon, patuloy siyang umaangat bilang artist matapos ilunsad ang sarili niyang label na ARADNAS at ang bagong single album na REPRISM, na tampok ang mga kantang siya mismo ang sumulat.