Advertisers
KASUNOD ng mga isyu ng mga public works na mabilis nasisira ng kaunting pag-ulan, inihayag ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Erwin Tulfo na tututukan ng komite ang pagbubunyag ng mga substandard na proyekto ng pamahalaan at sa pagpapanagot sa mga nasa likod nito.
“Bukod sa mga bagong pangalan at isyu na may kaugnayan sa anomalya sa flood control, iimbestigahan din natin ang mga substandard na proyekto. Ang mga tulay, kalsada, at iba pang pampublikong pasilidad na malinaw na hindi sumunod sa mga pamantayan—iimbestigahan natin iyan isa-isa,” pahayag ni Tulfo sa isang panayam sa radyo.
“Halatang may korapsyon diyan dahil binigyan ka ng pera o budget para sa mga proyektong iyan pero di natatapos o di kaya naman substandard,” dagdag niya.
Inihayag din ng Tagapangulo ng Komite na nakikipag-ugnayan na sila sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at iba pang kaugnay na ahensya ng pamahalaan.
Ayon kay Tulfo, kinakailangan na ang imbestigasyon na ito lalo na’t kamakailan lamang ay gumuho ang isang malaking retaining wall sa kahabaan ng EDSA-Ayala northbound sa Makati City matapos ang sunod-sunod na bagyo. Nagdulot ito ng matinding buhol-buhol na trapiko nang mabarahan ang dalawang pangunahing linya ng daan. Agad itong kinundena ni DPWH Secretary Vince Dizon matapos matuklasan na ang gumuhong bahagi ay gawa lamang pala sa magaan na hardiflex sa halip na matibay na semento.
Bagama’t binigyang-diin ni Senador Tulfo ang kaniyang kahandaan na palawakin ang pagsisiyasat sa flood control issue kapag may mga pangalan ang lumutang, nilinaw rin niyang tututukan din ng Blue Ribbon Committee ang mga nakabinbin na mga isyu ng korapsyon sa iba pang ahensya ng gobyerno.
Mula sa kaniyang subok na track record bilang isang aktibo at masigasig na vice-chairman bago pamunuan ang Blue Ribbon Committee, iginiit ni Tulfo na ang usapin sa flood control ay isa lamang sa napakaraming isyu ng korapsyon na dapat mabuksan at mapag-aralan nang husto.
“Matagal nang pinahihirapan ng korapsyon ang ating bansa. Magiging mahigpit kami sa pagkalap ng mga matitibay na ebidensya at gagawin namin ito nang ayon sa mga alituntunin ng komite at ng batas,” pagtatapos niya.