Advertisers
Ni Anne Venancio
Matapos ang ilang linggong pananahimik sa social media, tuluyan nang nagbahagi ng kanyang saloobin ang aktres na si Bela Padilla, dahilan upang mabigyan ng kasagutan ang tanong ng marami niyang tagahanga.
Sa isang Instagram post, inamin ni Bela na dumaan siya sa ilang personal na pagsubok sa mga nakalipas na linggo sa kabila ng sunod-sunod na biyaya at tagumpay na natanggap niya ngayong taon. Ayon sa aktres, habang patuloy siyang abala sa mga proyekto, pelikula, biyahe, at iba’t ibang pagkilala, natutunan din niyang kilalanin kung sinu-sino ang tunay na maaasahan sa oras ng pangangailangan.
Ibinahagi rin niya na ang mga karanasang minsang nagdulot ng sakit noong kanyang kabataan ay tila muling bumalik sa kasalukuyan. Gayunman, sinabi niyang unti-unti na niyang natatagpuan ang lakas ng loob upang ipaglaban ang kanyang sarili at gamitin ang kanyang boses para sa tama.
Hinikayat din ni Bela ang mga taong dumaraan sa parehong sitwasyon na huwag matakot na ilabas ang kanilang nararamdaman at magpatuloy sa pagbangon.
Samantala, umani ng suporta at mga mensahe ng pagmamalasakit ang kanyang post mula sa mga tagahanga at kaibigan. Kasabay nito, muling lumutang ang espekulasyon ng ilang netizens tungkol sa umano’y tampuhan nila nina Kim Chiu at Angelica Panganiban. Gayunpaman, hanggang sa kasalukuyan ay wala pang opisyal na pahayag ang tatlong aktres kaugnay ng naturang usapin.