Advertisers

Advertisers

CO: PERA MUNA BAGO PLANO’ SA P625M CONFI FUNDS!

0 4

Advertisers

KINUWESTYON ni House prosecution spokesperson at Kabataan Party-list Representative Renee Louise Co ang paraan ng paghawak ni Vice President Sara Duterte sa confidential funds, matapos lumitaw sa impeachment trial ang mga ebidensiyang aniya’y nagpapakita ng “pera muna bago plano” na sistema sa paggamit ng daan-daang milyong pisong pondo ng bayan.

“Nakakagulat na ang strategy sa pag-handle ng confidential and intelligence funds nito ay pera muna bago plano. Hindi po ‘yun ang dapat na treatment sa budget,” pahayag ni Co sa isang press briefing nitong Huwebes.

Tugon ito sa puna ni Senator-Judge Panfilo “Ping” Lacson sa paglilitis kaugnay ng “stupid” o tila kinopya lamang na mga entry sa physical at financial plans ng Office of the Vice President (OVP) para sa confidential funds.

Ayon kay Co, dapat munang malinaw ang plano bago ilabas at gastusin ang pondo ng publiko, at kailangang may maayos na accounting upang matukoy kung saan talaga napunta ang pera.

“Gusto natin kung saan man papunta, saan man napunta ito, dapat may kaakibat na hindi lang plano, pero ‘yung pag-account sa kung paano talaga nagamit,” ani Co.

Lumutang ang mga tanong hinggil sa physical at financial plans sa testimonya ni OVP Assistant Secretary at Assistant Chief of Staff Lemuel Ortonio, na itinuring ng prosecution bilang hostile witness.

Ayon kay Ortonio, walang confidential fund allocation ang OVP nang maupo si Duterte noong Hulyo 2022. Ngunit wala pang dalawang buwan matapos nito, humiling ang tanggapan ng P250 milyon sa Department of Budget and Management (DBM).

Kalaunan, naglabas ang DBM ng P125 milyon para sa huling quarter ng 2022. Sinundan ito ng tatlo pang P125-milyong tranche para sa unang tatlong quarter ng 2023, kaya umabot sa P500 milyon ang confidential funds ng OVP sa naturang panahon.

Sinusuri ngayon sa impeachment trial ang mga planong isinumite bilang batayan ng mga kahilingan sa confidential funds, kabilang ang pagkakapareho ng mga programa at aktibidad at kung sapat ang detalye ng mga ito para ipaliwanag kung paano gagastusin ang pera.

Para kay Co, nakababahala ang paliwanag na mga pagtataya lamang ang ilang halaga, gayundin ang umano’y generic at malalabong dahilan sa paggastos.

“‘Yung naging resulta ay generic, vague, ‘yung mga iba’t ibang justifications for these spendings, red flag ‘yun,” sabi niya.

Dagdag ni Co, may kapangyarihan ang Senate impeachment court na kumuha ng karagdagang dokumento kung kinakailangan upang makita ang buong larawan at masuri nang maayos ang mga ebidensiya.

Samantala, sinabi ni House prosecution spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na habang nagpapatuloy ang paglilitis, lalo umanong lumilinaw ang mga hindi maipaliwanag at kakaibang paraan ng pag-request at pag-justify ng confidential funds.

“Isa na rin po diyan ‘yung physical and financial plan na ‘yan,” ani Adiong.

Sa huli, iginiit ni Co na simple lamang ang prinsipyo sa paggamit ng pera ng bayan: dapat may malinaw na plano bago ilabas at gastusin ang pondo.

“Clear naman po na hindi po dapat pera bago plano,” aniya.