Advertisers
Magkakaroon ng karagdagang lupa ang gobyerno kung mapatunayang ilegal ang mga titulo ng mga ari-ariang nasa gilid ng Laguna Lake sa Taguig, ayon kay Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano.
Ito ang pahayag ng senador isang araw matapos sabihin ni Senator Panfilo Lacson na may apat na parsela ng lupa na umano’y may mga mapanlinlang na titulo, kabilang ang isang 181,077-square-meter na ari-arian na sakop ng titulong nagmula sa isang homestead patent.
Ayon kay Lacson, isasama ang mga natuklasan sa mga dokumentong isusumite sa Office of the Ombudsman. Sa kanyang mensahe sa ika-44 na anibersaryo ng Mandaport Apostolic Pentecostals (MAP) Church nitong August 30, sinabi ni Cayetano na maaaring mapunta sa gobyerno ang humigit-kumulang 18 ektaryang lupain kung mapatunayang ilegal ang titulo nito.
“May isang nasa dyaryo kahapon na (nagsabi na may) 181,000 square meters o 18 hectares daw na ‘illegally titled.’ Sa isang banda po, nag-ho-hope din kami na totoo iyon. Bakit? Kasi kung totoong illegal iyon, sa gobyerno iyon [mapupunta], eh di may 18 hectares tayo ngayon para sa gobyerno,” wika niya.
Malugod din niyang tinanggap ang masusing pagsusuri sa mga titulo ng lupa sa lugar, lalo’t matagal na aniyang nais ni Taguig City Mayor Lani Cayetano na masuri ang mga ito.
“Katulad ngayon na gusto nilang tignan lahat ng titulo, matagal na pong gusto ni Lani iyon,” wika niya.
Nauna nang hiniling ni Lacson sa Land Registration Authority (LRA) na siyasatin ang pinagmulan at kasaysayan ng mga titulo ng mga ari-arian sa mga lugar na iniugnay niya sa umano’y ilegal na reclamation sa Taguig. Sinabi rin ni Lacson na maaaring sampahan ng kaso ang mga responsable sakaling mapatunayang minanipula ang mga titulo.
Samantala, binanggit ni Cayetano na minsan nang ginanap ng MAP Church ang kanilang anibersaryo sa Lakeshore Tent, na ngayon ay nasasangkot sa mga alegasyon kaugnay ng umano’y ilegal na reclamation.
“Natandaan ninyo po na doon kayo nag-anniversary isang beses sa Lakeshore Tent? Iyon po ang iniintriga ngayon,” wika niya.
“Iyon ang pinapalabas na illegal reclamation at pinapalabas na kinakamkam ko rin daw po y’ung iba para sa aking sarili. Pero ang blessing po ay marami kasing gumagamit at alam naman po na hindi amin iyon,” dagdag niya.
Para kay Cayetano, maaaring magbukas ito ng pagkakataon para magkaroon ang gobyerno ng karagdagang lupain kung mapatutunayan ang mga alegasyon. “Ipag-pray nyo lang mga kapatid na ang mini-mean ng iba na harm ay mini-mean ni Lord para sa good,” wika niya.