Advertisers
Naglabas ng agarang babala si Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso nitong Martes ng umaga, Setyembre 1, kaugnay ng mabilis na paglala ng kalidad ng hangin sa lungsod dahil sa makapal na usok na mula sa mga patuloy na sunog sa kagubatan at lupain sa Kalimantan, Indonesia.
Sa kanyang “Talk to the People” sa Facebook, sinabi ng alkalde na nakapagtala ng nakababahalang antas ng polusyon ang mga air quality monitoring machine ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila 6:00 ng umaga.
Tatlong monitoring station sa Puregold Tayuman, Anda Circle, at San Sebastian Residences ang nagtala ng antas na “Very Unhealthy” o lubhang hindi ligtas ang kalidad ng hangin.
Samantala, nakapagtala naman ang dalawang istasyon sa Sta. Ana Hospital at Rajah Sulayman Park ng “Unhealthy for Sensitive Groups,” na nangangahulugang mapanganib ito lalo na sa mga sensitibo sa maruming hangin.
Ayon kay Domagoso, tugma ang mga naitalang datos sa monitoring ng Department of Environment and Natural Resources-Environmental Management Bureau (DENR-EMB).
Sa real-time monitoring station ng DENR-EMB sa Mehan Garden, Manila, umabot sa 231 ang Air Quality Index (AQI), na nasa antas na “Acutely Unhealthy.” Dahil dito, kabilang ang Maynila sa mga lungsod sa Metro Manila na pinakaapektado ng polusyon sa hangin.
Dahil dito, hinimok ni Domagoso ang lahat ng Manilenyo, lalo na ang may mga dati nang karamdaman, senior citizen, buntis at mga estudyante, na magsuot ng face mask tuwing lalabas ng bahay.
Iminungkahi rin ng alkalde na kung maaari ay doblehin ang pagsusuot ng face mask dahil sa tindi ng polusyon.
“Importanteng-importante na gumamit tayo ng mask, at hangga’t maaari, ito ay doblehin ninyo dahil hindi po maganda ang hangin na ating malalanghap sa mga darating na oras,” ani Domagoso.
Pinayuhan din niya ang mga residenteng walang mahalagang lakad sa labas na manatili muna sa loob ng bahay at panatilihing nakasara ang mga bintana upang hindi makapasok ang maruming hangin na maaaring makaapekto sa respiratory system.
“Kung kayo’y may mga pre-condition at kung wala naman po kayong mahalagang gagawin sa labas, stay indoors. Hangga’t maaari, isara natin ang ating mga bintana sapagkat maaari pong maapektuhan ang ating respiratory system,” aniya.
Ipinaliwanag ng alkalde na ang makapal na usok ay iniuugnay sa malalaking sunog sa kagubatan sa Kalimantan at Sumatra, Indonesia. Dahil sa umiiral na direksiyon ng hangin, ang usok ay naitutulak patungo sa Pilipinas.
Tiniyak naman ni Domagoso na naka-full alert ang Manila Health Department (MHD) at ang pitong district hospital ng lungsod bilang paghahanda sa posibleng pagdami ng mga pasyenteng maaapektuhan ng masamang kalidad ng hangin.
“Rest assured that the Manila Health Department and our hospitals are on alert. Inaabayanan na namin, baka magkaroon ng bulusok o biglang pagdami ng mga pasyenteng maaaring naapektuhan nitong masamang hangin,” sabi ng alkalde.
Bukod sa problema sa kalidad ng hangin, sinabi rin ni Domagoso na dagdag ito sa kasalukuyang hamon sa kalusugan ng Maynila, na patuloy ding nakararanas ng pagtaas ng kaso ng leptospirosis bunsod ng epekto ng mga pag-ulan ng habagat.
Inatasan naman ng alkalde ang Manila City Disaster Risk Reduction and Management Department (MCDRRMD) at Department of Environment and Public Services (DEPS) na patuloy na subaybayan ang direksiyon ng hangin at mga datos sa kalidad ng hangin.
Nangako rin ang alkalde na patuloy na ipaaalam sa publiko ang mga bagong datos at update hinggil sa sitwasyon.
“Babalitaan po namin kayo mamaya, antabayanan po ninyo ang aming mga post o data na ishe-share sa inyo,” aniya.
“Daig ng maagap ang masipag. Hinihikayat ko po ang lahat ng mamamayan sa Lungsod ng Maynila, at ang mga taong dumadako dito, na magbigay ng additional protection sa inyong sarili,” dagdag niya.(BP)