Advertisers
Nagkaloob nitong Biyernes, Setyembre 4, si Senate Committee on Energy Chairman Erwin Tulfo ng 200 solar streetlights para sa mga bayan ng Coron at Busuanga sa Palawan.
Ipinagkaloob ang mga ito sa tanggapan ng Busuanga Island Electric Cooperative Inc. (BISELCO) at dinaluhan ang okasyon ni National Electrification Administration Chief Antonio Almeda at Palawan First District Representative Rose Salvame.
Ang naturang turnover ay proyekto ng Senador katuwang ang National Electrification Administration (NEA) at aniya, ito ang simula ng adbokasiya ng tagapangulo ng Energy Panel na magkaroon ang buong Palawan ng angkop na kagamitan at pasilidad para sa paggamit ng renewable energy.
“Batid ko ang inyong problema sa kuryente rito na hindi lamang nakakaapekto sa mga kabahayan, kundi maging sa pangkalahatang kapayapaan at kaayusan ng lugar,” pahayag ni Tulfo.
“Maghahatid ng liwanag ang mga solar lights na ito sa komunidad, tutulong sa mga awtoridad para sa mas maayos na pagbabantay sa mga lugar laban sa krimen, at higit sa lahat ay magagamit ang renewable energy,” dagdag pa niya.
Gagamitin ng bayan ng Coron ang 100 solar streetlights samantalang para sa Busuanga naman ang natitirang 100.
Sa nasabing programa, binigyang-diin din ni Tulfo, na siya ring Senate Energy Panel Chairman, ang mahalagang papel ng mga lineman sa pagtiyak ng sapat na supply ng enerhiya. Inihayag din niya ang planong isulong ang pagdedeklara ng “Lineman Day.”
Bukod dito, binanggit ng mambabatas na ang pagkakaloob ng solar streetlights sa mga malalayong bayan ay nagpapatibay sa kanyang patuloy na isinusulong na maibaba ang presyo ng kuryente.
“Naninindigan po ako na dapat nang alisin ang mga system loss charge na pinapasa sa mga mamamayang Pilipino. Babawasan natin ang bawat gastusin na hindi makatarungang idinadagdag sa singil sa kuryente ng mga karaniwang Pilipino,” dagdag pa ni Tulfo. (JERRY S. TAN)