Advertisers

Advertisers

Kabilang sa mga binayaran ang Panda, Pusa at Maching… 1,688 ‘GHOST PAYEES’ NI SARA WALANG PSA RECORD

0 4

Advertisers

MULA kay Mary Grace Piattos hanggang kina Tomas Panda, Timon Pusa at Tina Maching, nasa 1,685 sa 2,669 katao na nakalistang tumanggap ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) noong 2022 at 2023 ang walang rekord ng kapanganakan, kasal o pagkamatay sa civil registry database ng bansa.

Ito ang ibinunyag ni Assistant National Statistician Marizza B. Grande sa pagdinig sa Impeachment Court nitong Lunes, Sept. 7, 2026.

Ayon kay Grande, sinabi niya kay prosecution panel lawyer Atty. Mae Divinagracia na kabilang sa mga pangalang nakalista sa liquidation documents ng OVP at DepEd ang mga indibidwal na hindi makita sa rekord ng Philippine Statistics Authority (PSA), gayundin ang mga bata at mga taong matagal nang namatay.

Kabilang dito ang kontrobersyal na pangalan na Mary Grace Piattos.

“Base sa information na binigay, at sa aming database, walang record po ng kapanganakan, walang record ng kasal, at walang record ng kamatayan ang isang Mary Grace Piattos,” ani Grande sa Impeachment Court.

Noong siya ang kalihim ng DepEd, nakatanggap si Vice President Sara Duterte ng kabuuang P112.5 milyon confidential funds noong 2023, bukod pa sa P500 milyon na inilaan sa OVP.

Nahaharap si Duterte sa mga kasong high crimes, graft at betrayal of public trust kaugnay ng alegasyon ng sistematikong maling paggamit, iregular na pagpapalabas at hindi wastong liquidation ng pinagsamang P612.5 milyon confidential funds ng OVP at DepEd.

‘Natatangi ang mga pangalan’
Inamin din ni Grande na may ilang pangalang nakalista sa liquidation documents na agad niyang napansin dahil hindi pangkaraniwan.

“I found them unusual kasi unique yung mga names na ito,” pahayag niya.

Bukod kay Piattos, kabilang sa mga kakaibang pangalan sa mga dokumento sina Arthur Baon, Beverly Claire Pampano, Matthew Keso, Charles Sampaloc Jr., Timon Pusa, Tomas Panda at Maxine Callos, bukod sa iba pa.

Ayon sa PSA, wala ring katugmang rekord ng kapanganakan, kasal o pagkamatay para sa mga pangalang ito.

Lumabas din sa mga acknowledgment receipt na ilang indibidwal na walang civil registry records ay nakatanggap ng malalaking halaga mula sa confidential funds ng OVP.

Kabilang dito si Danrick Otso na nakatanggap ng P500,000; Matthew Keso, P250,000; Tina Manching, P250,000; Xiame Otso, P100,000; at Timon Pusa, P100,000.

25 bata kabilang sa listahan
Itinuro rin ni Divinagracia na 25 pangalan sa liquidation records ng confidential funds ay tumutugma sa mga bata, kabilang ang tatlong wala pang tatlong taon gulang.

Ayon sa testimonya, hindi bababa sa 152 sa 2,669 pangalan ang mayroon lamang isang matching entry sa Civil Registry System.

Mayroon ding mga pangalan sa acknowledgment receipts na tumugma sa mga taong may marriage certificate sa PSA records, ngunit hindi tugma ang mga lagda sa mga dokumento.

PSA nagharap ng certification sa Kamara
Sinabi ni Grande na noong Nobyembre 2025 ay nagsumite ang PSA ng opisyal na dokumento sa House of Representatives na naglalaman ng resulta ng kanilang pagsusuri.

“Nag-submit kami ng letter of certificate dated November 5, 2025 sa Committee on Good Government and Public Accountability through Representative (Joel) Chua,” ani Grande.

Sa PSA certification na isinumite sa Kamara, lumabas na si Mary Grace Piattos, na nakalista sa liquidation documents ng confidential funds, ay walang rekord ng kapanganakan, kasal at pagkamatay sa PSA Civil Registry System database.

Ang certification ay inilabas ni Undersecretary Claire Dennis S. Mapa, National Statistician at Civil Registrar General.

P125-M cash withdrawal sa loob ng 11 araw
Nakasentro rin ang kontrobersiya sa confidential funds ng OVP sa mabilis na pagpapalabas ng P125 milyon cash sa loob lamang ng 11 araw, mula Disyembre 21 hanggang Disyembre 31, 2022.

Katumbas ito ng average na mahigit P11.36 milyon kada araw, kahit panahon ng Kapaskuhan.

Sa mga naunang pagdinig, napansin din ng mga opisyal ng bangko ang hindi pangkaraniwang katangian ng mga transaksiyon.

Ang P125 milyon ay bahagi ng P500 milyong confidential funds na inilabas ng OVP sa apat na magkakahiwalay na transaksiyon na tig-P125 milyon mula sa Landbank Shaw Boulevard.

Samantala, ang Department of Education sa ilalim ng pamumuno ni Duterte ay nag-withdraw ng P112.5 milyon confidential funds sa pamamagitan ng tatlong transaksiyon na tig-P37.5 milyon.