Advertisers
Isinusulong ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA), Batang Ecozone at Sazgar Philippines ang mas ligtas, abot-kaya at makakalikasang transportasyon para sa mga manggagawa sa mga economic zone sa pamamagitan ng paggamit ng electric tricycles.
Nilagdaan ng tatlong panig ang isang Memorandum of Understanding (MOU) nitong Setyembre 8, 2026 sa PEZA Head Office, bilang bahagi ng Mobility pillar ng CEZ 5M Program ng PEZA na nakatuon sa worker welfare.
Kabilang sa mga lumagda ng MOU sina PEZA Director General Tereso O. Panga; Batang Ecozone President Jerenato B. Alfante; at Sazgar Philippines Chairman Rajan B. Gidwani, kasama ang mga saksi sa seremonya na sina PEZA-CEZ Administrator Atty. Vincent Sy; Muhammad Fahim, CEO Sazgar Phils.; Froilan Sanchez, at Federico Laciste Jr., ng BATANG ECOZONE.
Sa ilalim ng kasunduan, maglalaan ang Sazgar Philippines ng anim na seater na electric tricycles bilang alternatibo sa mga gasoline- at diesel-powered tricycle na kasalukuyang ginagamit ng mga manggagawa sa Cavite Economic Zone (CEZ) sa Rosario, Cavite.
Layunin ng programa na makapagbigay ng mas ligtas, maaasahan, abot-kaya at zero-carbon-emission na transportasyon para sa mga manggagawa, habang nakatutulong din sa pagbawas ng polusyon sa loob ng economic zones.
Ayon sa PEZA, bahagi ang proyekto ng mandato nitong pangalagaan ang kapakanan ng mga manggagawa at suportahan ang produktibong operasyon ng mga locator company sa mga ecozone.
Nakibahagi ang Batang Ecozone sa programa bilang organisasyong nakatuon sa kapakanan ng mga manggagawa at pagpapaunlad ng mga industrial at economic zone.
Hindi lamang sa Cavite nakatakda ang programa, dahil nakasaad sa MOU na maaari itong maisagawa sa iba pang PEZA economic zones sa susunod na panahon.
Inaasahang makatutulong ang paglipat sa electric tricycles sa pagbawas ng gastos sa biyahe ng mga manggagawa, pagpapababa ng carbon emissions at pagpapabuti ng commuting experience ng mga empleyado sa ecozones.