Advertisers
ISINULONG ni Negros Occidental Third District Representative Javier Miguel L. Benitez para paimbestigahan ang halagang binabayaran ng mga consumer ng kuryente sa Visayas para sa ancillary services o reserbang kuryente na nagsisilbing pananggalang upang mapanatiling matatag ang power grid.
Sa House Resolution No. 1430, humihirit si Benitez sa Committee on Energy na imbestigahan ang naturang usapin matapos iulat ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na tumaas ang nationwide ancillary services rate mula Php 0.7941 hanggang Php 1.0391 kada kilowatt-hour para sa billing period ng Hulyo 2026, o katumbas ng 30.85 porsiyentong pagtaas.
Ipinasa ang dagdag na singil sa mga consumer sa kanilang mga bill para sa Agosto.
Kaugnay nito dahil hiwalay na itinatakda ng NGCP ang mga singil para sa Luzon, Visayas, at Mindanao, hinihiling ng resolusyon na ilabas ang partikular na singil para sa Visayas at ang pagbabago nito buwan-buwan mula Enero hanggang Agosto 2026—mga datos na hindi pa nakikita ng mga consumer.
Ayon kay Benitez, nakolekta ang mga singil na ito sa parehong panahon na paulit-ulit na nakaranas ng red alert ang Visayas Grid, na nagsimula sa unang red alert nito ngayong 2026 noong Mayo 13.
Nabatid na noong July 8, nasa 1,092.8 megawatts ang naging unavailable bunsod ng forced outages at deratings, dahilan para magkaroon ng manual load dropping sa ilang bahagi ng Cebu, Mactan, Aklan, Antique, Bohol, Capiz, Guimaras, at Iloilo.
Sa isa pang red alert noong Agosto 26, umabot sa 938.9 megawatts ang kapasidad na hindi magagamit.
Binibigyang-diin sa resolusyon na ang mga red alert sa Visayas ngayong 2026 ay pangunahing dulot ng mga pagkawala ng kapasidad sa power generation, at hindi ng problema sa transmission.
Sinabi pa ni Benitez na layunin ng imbestigasyon na obligahin ang NGCP, ang Energy Regulatory Commission, Department of Energy, Independent Electricity Market Operator of the Philippines, at mga concerned generation at ancillary services providers na ilatag ang halaga na sinisingil sa Visayas consumers, ang mga bayad na ginawa sa bawat provider, pati ang dami ng megawatts na kailangang reserba, na-procure, available, naka-schedule, at aktuwal na naipamahagi noong mga panahon ng red alert, kabilang na kung ipinataw ang mga singil dahil sa hindi pagtupad sa obligasyon alinsunod sa WESM Rules.
Layunin din ng imbestigasyon na ilatag ang malinaw na mga petsa ng pagkumpleto ng mga proyekto sa power generation, energy storage, at transmission para sa Visayas Grid, kabilang ang pagpapalakas sa Cebu-Negros-Panay backbone at paglalagay ng mga battery storage system.
Samantala pinabubusisi rin ni Benitez ang pagtukoy sa dahilan ng anumang pagkaantala, kung sino ang responsable, at ang lawak at mga sanhi ng pagbabawas o paglimita sa produksyon ng mga solar power plant sa Negros noong 2026.
“Every centavo of this charge is passed on to the consumer, so every centavo has to be accounted for. If reserves that were paid for were not delivered, the ERC should determine whether refunds or penalties are due,” pahayag ni Benitez.